MAYNILA – PINAGSASAKSAK hanggang sa mapatay ang isang street sweeper matapos na resbakan o maghiganti ang umano’y isinuplong niyang drug pusher sa kanilang lugar sa Tondo.
Dead on arrival na ng dumating sa ospital ang biktima na si Ernesto Calanoc, walang asawa, nakatira sa 213 Lourdes St., Magsaysay Village, Tondo, Maynila.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Ferdinand Nedrona at babaeng si Rochelle Dumag, kapwa nakatira sa 107 Roxas St., Brgy.100 Zone 8, Tondo.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, naganap ang insidente sa kahabaan ng Trinidad St., malapit sa kanto ng Lacson St., Tondo dakong alas-8:45 kagabi.
Sa salaysay ng testigong si Jeyson Aparato, naglalakad ito sa kahabaan sa Trinidad St., pauwi sa kanilang bahay nang makitang nakapaibabaw si Nedrona sa biktima saka walang awang inundayan ng saksak.
Si Dumaga naman ay nakahawak sa leeg ng biktima upang hindi na ito makapalag pa.
Dahil sa takot, nagtatakbo pauwi ng bahay si Aparato at ipinarating sa kamag-anak ng biktima ang nasaksihang krimen.
Isinugod sa Tondo General Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa ulat, paghihiganti ang motibo sa pagpaslang sa biktima matapos isangkot ng huli ang suspek sa illegal na droga kung saan isa umano itong drug user/pusher. PAUL ROLDAN
Comments are closed.