TAGA-EASTERN SAMAR, WAGI NG P20M SA LOTTO!

PCSO

MAGANDANG balita dahil isa na namang masuwerteng mananaya ng lotto ang naging instant milyonaryo nitong Sabado ng gabi.

Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma,  ang naturang lone bettor ay mula sa Guiuan, Eastern Samar.

Nahulaan aniya nito ng tama ang winning combination na 13-42-03-31-02-22 sa Regular Lotto 6/42 draw na binola nitong Sabado ng gabi, kaya’t naiuwi ang P20,398,839.60 na jackpot prize.

Samantala, mayroon  namang 25 bettors na nakahula ng limang tamang numero kaya’t nagwagi ng ikalawang premyo na tig-P25,000 bawat isa.

Ayon kay Garma, upang makuha ang kanyang premyo, kinakailangan lamang ng masuwerteng mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong ID cards.

Kaugnay nito, muli rin namang hinikayat ni Garma ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang PCSO games dahil sa halagang P20 lamang aniya ay magkakaroon ka na ng tiyansang maging susunod na instant milyonaryo, at makatutulong ka pa sa mahihirap na Pinoy na nangangailangan.

Ang 6/42 Regular Lotto ay binubola tuwing Martes, Huwebes, at Sabado. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.