KAHAPON ay nakumpirma ang matagal na agam-agam at pinag-uusapan ng karamihan kung ang mga mahistrado ng Korte Suprema ay magdedesisyon tungkol sa petisyon na isinampa ng Office of the Solicitor General (OSG) na quo warranto laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa botong 8-6, kinatigan ang petisyon ng quo warranto laban kay Justice Sereno at tinanggal siya bilang Chief Justice. Ang mga bumoto na pabor sa petisyon ay sina Teresita De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr. at Alexander Gesmundo. Ang hindi naman pumabor sa petisyon ay sina Antonio Carpio, Presbitero Vepasco, Perlas Bernabe, Mariano Del Castillo Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.
Hindi ko na masyadong tatalakayin ang pinagmulan ng nasabing petisyon. Ang puno’t dulo nito ay kinuwestiyon ng OSG ang pagkakatalaga kay Sereno bilang Chief Justice dahil lumabag siya sa mga mahahalagang alituntunin at dokumentong isinumite na kailangan upang ikaw ay maaaring maging kandidato sa nasabing mataas na posisyon sa Hudikatura.
Ang Statement of Assets and Liabilities o SALN ay isa sa mga requirement upang mapatunayan kung magkano ang iyong kayamanan at halaga ng ari-arian dulot ng mga iyong kinita sa iyong propesyon. Ang SALN ay isa sa basehan ng integridad ng isang kandidato sa nasabing posisyon. Ang hangad ng estado rito ay upang malaman ang kalinisan ng kanilang yaman at tapat sa pagbabayad ng buwis.
Subalit hindi nakapagsumite si Sereno ng kumpleto niyang SALN. Ito ay lumabas noong pagdinig sa mababang kapulungan sa impeachment complaint ng isang Atty. Larry Gadon. Isa lamang ang SALN ni Sereno sa kinuwestiyon ni Gadon ngunit ito yata ang lumabas na malaking katanungan laban kay Sereno.
Ang pagpataw ng desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng quo warranto ay mukhang luminaw nang si Sereno mismo ay hindi makapagbigay ng paliwanag sa mga kapwa niya miyembro ng Hudikatura noong nagkaroon sila ng en banc session. Direktang tinanong ni Associate Justice Martires noong buwan ng Marso kung totoo bang kumpleto at tama ba ang naisumite ni Sereno ng kanyang SALN. Walang malinaw sa sagot si Sereno. Mukhang ang tanong na iyon ay nakapagkumbinsi sa ilan sa mga mahistrado na hindi tapat si Sereno sa mga isyu na ibinabato laban sa kanya.
Sa totoo lang, dalawang bahagi ng argumento rito sa petisyon ng quo warranto. Una ay ito ba ay batay sa ating Saligang Batas? Wala raw sa ating Konstitusyon ang kapangyarihan na tanggalin sa puwesto ng kapwa miyembro ng Korte Suprema ang ating Chief Justice. Nasa Kongreso lamang ang nasabing kapangyarihan sa pamamagitan ng impeachment.
Sa kabilang dako naman, ano naman ang gagawing aksiyon ng Korte Suprema sa petisyon ng quo warranto at kitang-kita nila na talagang lumabag si Sereno sa maling pagsumite ng kanyang SALN? Ito ay patunay lamang na noong simula pa lang ay hindi na dapat siya naging Chief Justice. Isipin ninyo na ang pinakamataas na mahistrado ng Korte Suprema ay lumabag sa batas at babalewalain lamang ito? Nasaan ang hustisya? Anong nangyari sa imahe ng hustisya na naka-piring dapat ang mga mata na simbolo na wala kinikilingan?
Sa tingin ko ay napilitan ang Korte Suprema na aksiyunan ang petisyon ng quo warranto upang sila na ang maglinis ng sarili nilang suliranin at maiwasan pang humaba ang isyu at makaladkad at masira ang imahe ng Korte Suprema.
‘Ika nga “time will tell” kung ang ginawang hakbang na katigan ang petisyon ng quo warranto laban kay Sereno ay magbubunga ng masama o mabuti sa sambayanan.
Comments are closed.