MAAARING humupa ang tumataas na presyo ng gulay sa loob ng dalawang linggo sa pagrekober ng high-value crops sector, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay makaraang magtala ang DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng P847.48 million na halaga ng pinsala sa high-value crops na nakaapekto sa 7,190 ektarya ng lupain sa pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang epekto ni ‘Kristine’ ay nagresulta sa pagbaba ng vegetable supply mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, Central Luzon, at Calabarzon, gayundin sa tumataas na presyo sa Metro Manila at Kristine-hit areas.
“Ito ay magtatagal normally, mga one to two weeks. Ang gulay naman, ang bilis niyang maka-recover after ng mga one to two weeks ay bumabalik din sa normal na presyuhan,” aniya.
Iniulat niya ang mahigit 28,000 MT pagbaba sa vegetable output delivery kung saan ang partial at total damage sa high-value crops ay umabot sa 35,616 MT.
Gayunman ay tiniyak ni De Mesa na may alternative options pa ang mga consumer upang makabili ng mas murang agricultural commodities.
Aniya, nakikipag-ugnayan ang DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service sa regional field offices para sa “market matching.”
“Mayroon tayong mga alternative na sources ng ating gulay galing sa Visayas at Mindanao at dito rin sa Luzon na hindi naapektuhan masyado ng bagyong Kristine,” ani De Mesa.
Bukod sa market matching, ang DA ay nag-deploy rin ng Kadiwa food trucks sa storm-hit areas.
Hanggang Oct. 31, iniulat ng DA-Bantay Presyo ang P15 hanggang P80 pagtaas sa presyo ng kada kilo ng iba’t ibang highland at lowlands vegetables sa loob lamang ng isang linggo mula Oct. 23.
Sa Metro Manila, kinabibilangan ito ng pagtaas sa presyo ng ampalaya sa P180/kg mula P100/kg. sa naturang panahon; string beans sa P200/kg. mula P140/kg.; kamatis sa P210/kg. mula P160/kg.; pechay tagalog sa P150/kg. mula PHP100/kg.; talong sa P130/kg. mula P90/kg.; Baguio beans sa P190/kg. mula P160/kg.; carrots sa P200/kg. mula P180/kg.; at sayote sa P85/kg. mula P70/kg. ULAT MULA SA PNA