MAGBABALIK si Thirdy Ravena para sa kanyang ika-4 na season sa Japan Basketball League kasunod ng pagpirma ng bagong kontrata sa San-en NeoPhoenix para sa 2023-2024 season.
Ang kaganapan ay inanunsiyo ng koponan nitong Miyerkoles sa pamamagitan ng social media post.
Sinabi ng 26-year-old guard na inaabangan na niya ang isa pang season sa Japanese club, na tumapos na 16th na nakalipas na edisyon na may 23-37 record.
“I’m very happy to be spending one more year with NeoPhoenix in the hopes of winning a championship,” sabi ni Ravena.
“I’m very happy with the trust and the love the community has given me and the coaching staff and their patience with me.”
Si Ravena ay unang napabilang sa San-en noong 2020, kung saan siya ang unang Filipino basketball player na naglaro bilang isang import sa prestihiyosong liga.
Nasa kanyang ika-4 na taon na ngayon, sinabi ng dating Ateneo de Manila University star at three-time UAAP champion na target niyang magwagi ng titulo para sa San-en.
“Hopefully I become a better player in order to help the team, win more games and hopefully make it to the playoffs and win a championship,” dagdag ni Ravena.
“Thank you so much for your support and I will see you next season!”