TARGET ng Philippine athletics na tuldukan ang three-decade medal drought sa darating na Hangzhou Asian Games.
Nagkakaisa sina national coaches Isidro Del Prado at Dario De Rosas sa pagsasabing si world no. 2 pole vaulter EJ Obiena ang best bet ng bansa upang mawakasan ang podium heartbreak kung saan pinapaboran siyang magwagi ng gold sa kanyang paboritong event.
Wala pang Filipino tracksters ang nag-uwi ng medalya sa Asiad magmula nang manalo si Elma Muros ng bronze sa women’s long jump sa 1994 edition ng quadrennial meet sa Hiroshima, Japan.
Umaasa ngayon ang Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) kay 27-year-old Obiena, na galing sa is silver medal showing sa World Athletics Championship na idinaos sa Budapest, Hungary.
“Ang panalo natin si EJ sa pole vault,” sabi ni Del Prado sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa conference hall ng Rizal Memorial Stadium.
Target din ni Obiena na matapos ang unfinished business sa Asiad makaraang mabigong mag-uwi ng medalya sa huling pagdaraos nito sa Palembang, Indonesia matapos na tumapos sa seventh sa event na pinagharian ni Seito Yamamoto ng Japan.
Para sa iba pa sa 13-man athletics team, ang dalawang Filipino legendary coaches ay nagtakda ng ‘modest goal’.
“Ready kami ngayon sa Asiad. Hopefully, makasungkit ng medalya,” sabi ni De Rosas patungkol sa kanyang protégé na si long jumper Janry Ubas sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, MILO, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Si Ubas, 29, ay nagwagi ng gold medal sa long jump sa Southeast Asian Games sa Cambodia, at sinungkit ang bronze sa heptathlon sa Asian Indoor Athletics Championship sa Kazakshtan sa kaagahan ng taon. Sumabak din siya sa dalawang European tournaments sa Italy at Finland kung saan nag-uwi siya ng gold.
Si Ubas din ang national record holder sa long jump na may 8.08 meters, na pinaniniwalaan ni De Rosas na magbibigay sa Misamis Oriental bet ng tsansa para sa bronze sakaling mapantayan o mahigitan niya ang kanyang personal mark.
“Hopefully, kung makukuha niya ulit ‘yan, puwede tayong mag-bronze medal siguro,” sabi ni De Rosas, na ginagabayan din sina Sarah Dequinan (heptathlon) at Ronnie Malipay (triple jump).
Para kay Del Prado, ang dating anchor ng sikat na ‘Bicol Express’ 4×400 men’s relay team noong 80s, magiging mabigat ang laban ng quartet nina Fil-Am Umajesty Williams, Frederick Ramirez, Joyme Squita, at Michael Carlo Del Prado upang makamit ang podium finish.
“Malakas ang India, Japan, China, and Sri Lanka sa 4×4. Kaya nauna kong sinabi sa kanila na to give their best to break the Philippine record (3:06.47),” aniya.
Ang quartet ay nanalo ng gold sa Cambodia SEA Games, ngunit ang Asiad ay kakaibang torneo.
“Hopefully, makapasok tayo sa finals,” sabi ni Del Prado, at idinagdag na ang semis ay nakatakda sa Oct. 3 at ang finals ay kinabukasan.
Ang iba pa sa track and field contingent ay binubuo nina Asian Athletics Championship gold winner Robyn Brown (400 m hurdles), John Tolentino (110 m hurdles), Eric Cray (400 m hurdles), Kristina Knott (100 m and 200 m), at William Morrison (shot put).