TINALO SA SUNTUKAN TINARAKAN

saksakan

ISANG pintor ang nasa kritkal na kalagayan matapos tarakan ng helper na natalo niya sa suntukan sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kasalukuyang nasa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa katawan ay nakilalang si Gary Redoblado, 31-anyos, ng Blk 17 Lot 29, Phase 2, Area 3, Dagat-Dagatan, Brgy. Longos.

Nakapiit naman nga­yon habang nahaharap sa kaukulang kaso si Jeffrey Bermonde, 36-anyos, ng nasabi ring lugar matapos maaresto ng rumespondeng mga tauhan ng PCP-3.

Sa imbestigasyon nina PSSg Julius Mabasa at PSSg Philip Cesar Apostol, dakong alas-7:45 ng gabi, tumatagay ang suspek at kanyang kaibigan na si alyas Doggy sa harap ng bahay sa Blk 17, Phase 2, Dagat-Dagatan.

Nilapitan ng biktima ang suspek at pinayuhan na umuwi subalit tumang­gi ito at sinapak si Redoblado na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa suntukan.

Nang maramdaman ng suspek na talo siya sa suntukan, umuwi ito at nang bumalik ay armado na ng patalim at tinarakan si Redoblado sa katawan na isinugod ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan. EVELYN GARCIA

Comments are closed.