TINIYAK ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na patuloy na magkakaloob ng serbisyo ang banking industry sa mga kliyente nito makaraang isailalim ng pamahalaan ang mas maraming lugar sa Alert Level 3.
Inilagay ng gobyerno ang National Capital Region , Bulacan, Cavite, at Rizal sa Alert Level 3 mula January 3 hanggang 15, habang ang Laguna ay nasa ilalim ng parehong alert level simula January 7.
Labing-apat pang lungsod at probinsya ang nasa ilalim ng Alert Level 3 simula January 9 hanggang 15 dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Dahil dito, iginiit ng central bank ang direktiba nito sa supervised financial institutions nito na mahigpit na ipatupad ang minimum health protocols para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga bank personnel at customers.
Hinimok din ng BSP ang publiko na gumamit ng e-banking at digital payment services para sa mas ligtas at episyenteng financial transactions.
“The BSP committed to deliver on its mandates of promoting price and financial stability, and a safe and efficient payments and settlements system throughout the pandemic,” sabi pa ng BSP.