MAY sapat na supply ng manok sa bansa, ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA).
Ginawa ni Atty. Bong Inciong, presidente ng UBRA, ang pahayag kasunod ng pagtaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Inciong na kabilang sa posibleng dahilan ng pagtaas ng presyo ng manok ang mataas na demand nito.
Aniya, nakapagpataas sa demand ang pangangampanya ng mga kandidato.
Tumaas din ang presyo ng manok dahil mahal na ang production cost mula sa patuka, mais, soya, at sisiw.
“Ang laki po ng sapalaran ngayon dahil napakataas ng puhunan ngayon sa sisiw lalo na sa patuka. Sa ngayon po matatapang ang maraming nag-aalaga dahil nga po eleksiyon pagtapos ng eleksyon ay mag-iingat na po iyan,” ani Inciong.