TRAINING, RACING VENUE MALAKING HAMON SA PH MOTOCROSS RIDERS

KARERA at hindi talento ang kulang sa local motocross racing.

Patunay ang pag-usbong ng mga batang riders sa kabila ng malaking hamon sa kakulangan ng training at racing venue, gayundin ng mga lalahukang regular races.

“Ang biggest challenge talaga ‘yung training venue. Sa tulad ko na taga-Taytay malayo sa amin ‘yung mga venue, pinakamalapit sa amin ‘yung sa Montalban pero right now may mga inaayos pa. Maraming race track sa mga probinsya,” pahayag ni Jasmine Jao, isa sa pinakaaabangang lady rider sa local motocross scene.

“Saka po wala pa kaming National Championship, ‘yung mga racing naming sinasalihan puro invitational, maybe this time magkaroon ng torneo na national scope para lahat ng mga riders maglabanlaban,” pahayag pa ni Jao sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Sa kabila nito, ayon sa anak ng motocross legend na si Jolet Jao, umuusbong ang mga batang riders na hindi matatawaran ang husay at galing na maaring magamit ng bansa para sa pagsabak sa international competition.

“Dahil sa pandemic, mahabang panahon din kaming nabakante, but nang simulan ulit ang races, maraming mahuhusay na batang riders na ready to challenge and give motocross a new life,” sabi pa niya.

Kabilang sa mga batang tinutukoy ni Jao ay ang magkapatid na Jasper (19) at Bea Marcellana (17) mula sa Taal, Batangas; ang 20-anyos na si Francis ‘Kiko’ Ochan, ang 13-anyos na si Nijel Torre at ang parehong 9-anyos na sina Rio Remolacio at Kylie De Leon.

Sa anim, ang magkapatid na Marcellana ang umaariba sa race track kung saan itinanghal na Rookie of the Year sa NAMSSA event ang incoming college student na si Jasper, habang dalawang torneo sa Lemery at Masbate ang napagwagian ng Grade 12 student ng Lemery High School na si Bea.

-EDWIN ROLLON