TULAK KUMASA, TUMBA SA PULIS

patay

ISANG umano’y drug pusher ang namatay nang makipagbarilan sa pulisya sa isinagawang buy bust operation kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Ang suspek ay nakilalang si Jeffrey Pilapil, may edad na 35-40 at nakatira sa No.154 Humilidad St., Barangay 14, Zone 1, Pasay City.

Si Pilapil ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad niyang ikinamatay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya ang insidente ay naganap dakong ala-1:10 ng madaling araw  sa kahabaan ng Humilidad Street, Pasay City.

Sa pahayag ng pulisya, bago ang naganap na barilan ay nagsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng Station Drug Enforcement Team laban sa suspek matapos na ang mga ito ay makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek.

Dagdag pa ng pulisya na tinangkang barilin ng suspek ang pulis na umaktong buyer kung kaya naalerto ang mga kasamahan nitong pulis na nakakalat sa pa­ligid at pinagbabaril si Pilapil.

Sa isinagawang technical aspect of investigation ng Southern Police District Scene of the Crime Operatives sa pangunguna ni Capt. Gerald Villar ay naka-recover ang mga ito ng cal .38 revolver, 10 piraso ng heat sealed plastic transparent sachet na naglalaman ng shabu at P300 buy bust money.

MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.