UNANG PBA 3X3 CROWN NASIKWAT NG GINEBRA

SA WAKAS ay nakapasok din ang Barangay Ginebra sa PBA 3×3 circuit makaraang malusutan ang matikas na pakikihamok ng Platinum Karaoke sa overtime, 20-19, upang kunin ang Leg 3 crown ng Season 2 Third Conference nitong Biyernes sa Robinsons Place Antipolo.

Nanguna si Kim Aurin para sa Kings na may 9 points, subalit naisalba ni Donald Gumaru ang araw para sa koponan matapos na makuha ang rebound mula sa mintis ni Aurin at isinalpak ang 18-foot jumper para sa clincher.

Nagdagdag si Gumaru ng 6 points at 7 rebounds, habang pumuntos din sina Ralph Cu at Ralph Salcedo para sa Ginebra, na ginabayan ni coach Kirk Collier.

“Gustung-gusto kong mag-champion kasi minsan lang mangyari ‘yung opportunity na ito,” sabi ni Aurin habang nagdiwang ang iba pa sa Kings sa midcourt nang matanggap ang top prize na P100,000.

Ang Barangay Ginebra ay dalawang beses na nakapasok sa finals sa mga nagdaang leg sa likod ni ngayo’y PBA player Encho Serrano, ngunit tumapos na runner up sa parehong pagkakataon sa San Miguel Beer at TNT Tropang Giga.

Subalit muntik na rin itong makakawala sa Kings nang burahin ng Platinum Karaoke sa likod ni Nico Salva ang 17-12 deficit upang ipuwersa ang overtime sa 18-all.

Tumanggap ang Platinum Karaoke ng P50,000 para sa runner-up finish, kung saan pinangunahan ni Salva ang koponan na may 9 points, at nagdagdag si big man Yutien Andrada ng 7 points at 7 rebounds.

Sa semifinals, dinispatsa ng Barangay Ginebra ang Meralco, 15-13, habang ginapi ng Platinum Karaoke ang J&T Express, 19-13, para maisaayos ang title showdown.

Samantala, nakakuha ang Meralco ng 9 points at 6 rebounds mula kay big man Alfred Batino upang kunin ang podium finish nang pataubin ang J&T Express, 19-15.

Ang third place finish ay nagkakahalaga ng P30,000 para sa Bolts, na responsable sa pagsibak sa Leg 2 winner TNT sa quarterfinals, 21-18.

Iskor:
Third place:
Meralco (19) – Batino 9, Caduyac 4, Manlangit 4, Santos 2.
J&T – (15) – Sedurifa 8, Datu 5, Rono 2, Teng 0.

Finals:
Barangay Ginebra (20) – Aurin 9, Gumaru 6, Cu 5, Salcedo 0.
Platinum Karaoke (19) – Salva 9, Andrada 7, Banal 3, Tumalip 0.