LUMALAMIG na tuwing sumasapit ang gabi. Ayon sa PAGASA, ito ay sanhi ng hanging amihan. Kasabay nito ang iba’t ibang sakit na maaari nating makuha dahil sa pagbabago ng panahon. Isa na nga rito ang Upper Respiratory Tract Infection (URTI) o ang tinatawag na pang karaniwang ubo at sipon.
Ano nga ba ang URTI?
Upang maintindihan ang sakit na ito, kailangan muna nating malaman kung ano ang mga parte ng ating Upper Respiratory Tract. Ang organs na kasama sa Upper respiratory tract ay ang ating ilong at nasal passages, paranasal sinuses, ang pharynkas at ang parte ng ating larynx sa itaas ng vocal folds. Kapag nagkakaroon ng impeksyon sanhi ng bacteria o virus sa alinman sa mga ito, tayo ay nagkakaroon ng URTI.
Ang pangkaraniwang impeksyon ng Upper Airways ay sanhi ng viruses. Ilan sa maaari nating makuha ay ang coronavirus, adenovirus, respiratory syncytial virus, at parainfluenza virus. Ang mga bacteria naman na nagiging dahilan ng URTI ay ang streptococcus pneumoniae, streptococcus pyogenes (na puwede magdulot ng strep throat), haemophilus influenzae, moraxella catarrhalis, staphylococcus aureus at marami pang iba.
Ang mga sintomas ng URTI ay depende sa parte na apektado nito, maaari itong maging dahilan ng sipon, ubo, mababang lagnat, bahagyang hirap sa paghinga dahil sa mga naipong plema at minsan pa ay pamamaos kung maapektuhan ang parte ng vocal cords. Ang tao na mayroon nito ay maaaring makahawa depende sa mikrobyo na ating nakuha. Sa pangkaraniwan, ito ay maaaring makahawa 1 hanggang 2 araw bago lumabas ang sintomas.
Ito ay nakukuha sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo galing sa taong mayroon nito na tinatawag na droplet transmission, at minsan dahil sa paghawak ng isang bagay na kontaminado ng nasal secretions na nailalagay natin sa ating ilong at bibig.
Ang mga viral infection na nagiging sanhi ng URTI ay pangkaraniwang nareresolba ng kusa. Ang taong mayroon nito ay nangangailangan ng supportive measure sa mga sintomas na mayroon siya, kasama na rin ang pagpapalakas ng resistensiya, pag-inom ng maraming tubig at pamamahinga.
Ang mga bacterial infection na sanhi ng URTI, bukod sa mga supportive measure na nabanggit ay nangangailangan ng Antibacterial na para rito. Inirerekomenda ito ng mga doctor kaya’t mainam na magpakonsulta lalo na kung ang ubo at sipon ay may kasamang lagnat, hirap sa paghinga at dilaw at green na plema.
Kung mayroong katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like at mag-comment sa medicus et legem sa facebook, maraming salamat po.
Comments are closed.