V-DAY SA LADY BULLDOGS?

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
6:30 p.m. – DLSU vs NU

SISIKAPIN ng National University na makumpleto ang isa sa pinakadominanteng performance sa kasaysayan ng UAAP women’s volleyball ngayong gabi sa Mall of Asia Arena.

Nagwagi si Ramil de Jesus ng 11 titulo sa kanyang 25 taon na paggabay sa La Salle upang maging isa sa matagumpay na programa sa liga.

Batid ni Mhicaela Belen, top contender para sa season MVP award, ang championship pedigree na mayroon ang Lady Spikers at umaasa ang Lady Bulldogs open spiker na makagawa ng isang bagay para sa eskuwelahan kapag tinapos nila ang serye sa alas-6:30 ng gabi.

“Siguro po dahil ‘yung history nila sobrang like ‘yung kay coach Ramil po ‘di ba marami na po siyang championships,” sabi ni Belen, na sinalubong ng “MVP” chants sa25-20, 25-12, 25-21 panalo ng NU kontra La Salle sa Game 1.

“So, sa amin po mas ganado po kami kapag kalaban sila, mas eager po kaming talunin sila,” dagdag pa niya.

Ang panalo ay tutuldok sa 65-year old championship drought ng Lady Bulldogs. Maaaring maging simula na rin ito ng dynasty ng NU dahil wala sa kasalukuyang roster na binuo mula sa highly-regarded Nazareth high school girls program ang ga-graduate.

Sa kanilang napakalaking talento at skill level, ang tanging makatatalo sa Lady Bulldogs sa ngayon ay ang kanilang mga sarili.

Target ng NU na maging ikalawang koponan matapos ng Ateneo sa 2014-15 season na nagtala ng perfect 16-0 campaign.

“Motivated siguro itong mga players everytime ganoon ‘yung kalaban, mga big games. Siguro kaya ibinibigay nila lahat,” sabi ni first-year Lady Bulldogs coach Karl Dimaculangan.

Hindi na bago sa tagumpay, binigyang-diin ni Dimaculangan, na bilang setter ay pinangunahan ang University of Santo Tomas sa 17-0 sweep at kinuha ang Finals MVP honors sa 2008-09 season, ang pangangailangang manatiling nakapokus ang NU sa kanilang laro.

Nadominahan ng Lady Bulldogs sa opener ang Lady Spikers sa attacks (43-23), blocks (11-3) at service (8-2), subalit nakagawa ng 25 errors.

“Finals na ito, so nire-remind ko lang ulit sila na hindi namin puwedeng ulitin ‘yung ganoon kadaming error, lalo na kung championship na,” ani Dimaculangan.

Bago ang Game 2 ay idaraos ang maikling awarding ceremony para parangalan ang best individual performers ng liga sa alas-5:30 ng hapon.