PAG-AARALAN ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na isama ang mas maraming gulay sa talaan ng mga produktong pang-agrikultura na may suggested retail price (SRP).
Sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pag-aaralan ng ahensiya ang iba pang gulay na isasailalim sa SRP o price freeze.
Ang hakbang ay makaraang sumipa ang presyo ng mga gulay sa mga palengke dahil sa mobility restrictions sa pagbiyahe ng mga gulay sa gitna ng enhanced community quarantine.
“‘Yung gulay mayron na tayo iba’t ibang gulay na under SRP, with these [situation] we will try to study kung ano pa ang iba’t ibang klase ng gulay ang isasailalim natin sa price freeze o SRP,” wika ni Dar.
Binuhay ng DA ang local price coordinating councils sa buong bansa upang matiyak na sumusunod ang presyo ng mga piling agricultural product sa SRP na itinakda ng ahensiya.
Nagpalabas din ito ng updated list ng agricultural products na sakop ng SRP at price freeze kaugnay sa enhanced community quarantine.