Mga laro sa Biyernes:
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
11 a.m. – Poland vs Brazil
3 p.m. – Slovenia vs Italy
7 p.m. – Japan vs The Netherlands
IBINUNTON ng Brazil ang kanilang galit sa The Netherlands sa magaan na 25-21, 25-15, 25-20 panalo upang umangat sa team standings sa Volleyball Nations League (VNL) men’s tournament nitong Huwebes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Galing sa pagkatalo laban sa Italy sa krusyal na Week 3 opener noong Martes, ang Brazilians ay impresibo sa pagdispatsa sa katunggali sa loob lamang ng 72 minuto upang umakyat sa 7-3 record sa ikatlong puwesto sa likod ng unbeaten Japan (9-0) at United States (8-1).
Pinatahimik ng Brazil, ang world No. 3 at ang 2021 VNL champion, si Dutch ace Nimir Abdel-Aziz, ang world’s top-ranked spiker, habang naglunsad ng mga pag-atake sa lahat ng fronts upang maiganti ang kanilang 23-25, 20-25, 25-15, 21-25 pagkatalo sa Italy, dalawang araw na ang nakalilipas.
Umiskor sina Henrique Honorato at Lucas Saatkamp ng tig-10 points habang gumawa sina Ricardo Lucarelli Souza at Alan Souza ng tig-9 sa lethal Brazilian quartet combo habang inihanda ni world’s best setter Bruno Mossa Rezende ang mga play na may 10 sets at isang puntos.
“We tried to limit their strong attackers. They have the best (opposite) spiker in the world in Nimir and we made a great job blocking him. That was the main thing in this win,” sabi ni Rezende, ang team captain ng Brazil.
Gumawa lamang si Abdel-Aziz, matapos ang 24-point eruption sa 25-22, 25-22, 17-25, 25-18 panalo kontra Canada noong Miyerkoles, ng 8 points at naghabol ang The Netherlands sa nasa pormang Brazil sa buong laro.
Makakaharap ng Brazil sa krusyal na laro ngayon ang world No. 1 Poland na nasa No. 4 spot sa final preliminary leg ng VNL.
Nanguna si Wouter Ter Maat na may 10 points para sa world No. 10 Netherlands, na nanatili sa ika-8 puwesto na may 5-5 kartada at nakabuntot ang ninth-running at reigning champion France (4-5).
Mula sa 16 koponan ay ang top 8 teams lamang ang makakapasok sa final round mula July 19 hanggang 24 sa Poland.
Samantala, dinispatsa ng Italy ang Canada, 25-14, 23-25, 25-20, 23-25, 15-9, upang umangat sa team standings.
Kumana si Alessandro Michieletto ng 3 blocks upang tumapos na may 18 points, na sinamahan ng 10 digs at 6 receptions habang umiskor sina Gianluca Galassi at Yuri Romano ng tig-17 points para sa Italians, na walang talo sa dalawang Pasay City leg matches.
Umangat sa 7-3 record, ang Italy ay tumabla sa Brazil sa ikatlong puwesto.
-CLYDE MARIANO