NAG-INIT si Klay Thompson at isinalpak ang walo sa 21 three-pointers ng Golden State sa 127-100 panalo kontra Los Angeles Lakers na nagtabla sa kanilang NBA Western Conference semi-final sa 1-1.
Umiskor si Thompson ng 30 points sa tatlong quarters para sa defending champions, na nagsagawa ng offensive clinic habang nalimitahan si Anthony Davis, ang makina ng game-one victory ng Lakers, sa 11 points at 7 rebounds.
Sa hot-shooting night ni Thompson ay nagpokus si Stephen Curry sa pag-direct sa malasutlang opensa ng Warriors. Nagtala si Curry ng 20 points — kabilang ang tatlong three-pointers — at nagbigay ng 12 assists, ang kanyang pinakamarami sa playoffs magmula noong 2014.
“We realized we let one go in game one,” sabi ni Thompson. “(We) came out, our offense was flowing, turnovers were low, hitting the open man — we keep it simple the floodgates can open.”
Umiskor ang Golden State ng 41 points sa second quarter at 43 sa third upang palobohin ang kanilang kalamangan sa 30 points papasok sa final period.
Matikas ang simula ni LeBron James, kumana ng 14 points sa opening quarter kung saan naitarak ng Lakers ang 33-26 kalamangan.
Subalit nagdagdag lamang siya ng pito sa second period at dalawa sa third bago sila inilabas ni Davis sa buong fourth quarter, kasama ang iba pang Lakers starters.
Nagsalansan si Draymond Green ng 11 points, 11 rebounds at 9 assists habang pinangunahan ang depensa ng Warriors kay Davis.
Kinontrol ng Warriors ang second quarter kung saan kumamada si Thompson ng apat na three-pointers tungo sa 14 points.
Gumamit ang Golden State ng 10-2 scoring run, tampok ang three-pointer ni Thompson mula sa pasa ni Curry, upang mabawi ang kalamangan sa kaagahan ng second quarter at makaraang dalawang beses na tumabla ang Lakers, lumayo ang Golden State at itinarak ang 67-56 halftime lead.
Tuloy sa pananalasa ang Warriors sa third na may 15-8 scoring run.
Na-outrebound nila ang Lakers, 55-40, at nagbigay ng kabuuang 38 assists.