NAITALA ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ikatlong triple-double sa season nang pulbusin ng Milwaukee ang bisitang Golden State, 118-99, upang putulin ang two-game losing streak.
Nagsalansan ang five-time All-Star ng 30 points, 12 rebounds at 11 assists at bumuslo ng 11 of 17 upang pangunahan ang Milwaukee sa ikalawang panalo pa lamang nito sa anim na laro. Nagsalpak si Khris Middleton ng limang 3-pointers at nagdagdag ng 23 points, habang nag-ambag sina Bobby Portis ng 20 points at 7 rebounds at Grayson Allen ng 15.
Nagbida si Andrew Wiggins para sa Warriors na may 16 points sa 6-of-11 shooting. Kumubra si Jonathan Kuminga ng 15 points at 7 rebounds, at nakalikom si Stephen Curry ng 12 points, 8 rebounds at 4 assists. Tumipa si Klay Thompson ng 11 points.
GRIZZLIES 116,
TIMBERWOLVES 108
Umiskor si Desmond Bane ng 21 points at nagdagdag si Jaren Jackson Jr. ng 20 points at 5 blocks upang bitbitin ang Memphis Grizzlies sa panalo kontra bisitang Minnesota Timberwolves.
Nakakolekta si John Konchar ng 15 points at 17 rebounds at tumapos si Brandon Clarke na may 14 pointd at 8 boards para sa Grizzlies na hinila ang kanilang franchise-best winning streak sa 11 games. Naiganti rin ng Memphis, nanalo sa 21 sa nakalipas na 25 games, ang 138-95 pagkatalo sa Minnesota noong Nov. 20.
Nagposte si Ja Morant ng 16 points, 9 assists at 8 rebounds sa kabila na nagpapagaling sa back injury.
Gumawa si Anthony Edwards ng 30 points at kumana si D’Angelo Russell ng anim na 3-pointers upang tampukan ang kanyang 29-point performance para sa Timberwolves, na natalo ng dalawang sunod.
THUNDER 130,
NETS 109
Kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points, 10 rebounds at 9 assists nang putulin ng Oklahoma City ang five-game losing streak sa pamamagitan ng panalo kontra host Brooklyn.
Naipasok ni Gilgeous-Alexander ang 11 sa 18 shots at nagtala ng 30 points sa ikalawang sunod na laro.
Nagdagdag si Luguentz Dort ng 27 points at naisalpak ang anim sa season-best 20 3-pointers ng Oklahoma. Kumubra si rookie Josh Giddey ng 19 points para sa Thunder na bumuslo ng season-best 51.6 percent at nagtala rin ng season highs para sa points, first-quarter points (38) at first-half points (70).
Nanguna si James Harden para sa Nets na may 26 points, 9 assists at 7 rebounds. Nagdagdag si rookie Cam Thomas ng 21 points para sa Nets na natalo sa ika-6 na pagkakataon sa pitong home games.
Sa iba pang laro ay pinulbos ng Nuggets ang Trail Blazers, 140-108, at pinatiklop ng Pelicans ang Clippers, 113-89.