WARRIORS PINULBOS ANG NUGGETS

Stephen Curry-4

UMISKOR sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-31 points upang tulungan ang Golden State Warriors na durugin ang Denver Nuggets 142-111, at mabawi ang top spot sa Western Conference noong Martes ng gabi.

Kumarera ang Golden State sa ika-5 sunod na panalo upang umangat ng kalaha­ting laro sa Nuggets, na naputol ang 12-game home winning streak.

Nagtala rin ng 60 percent shooting ang Golden State mula sa field, bukod pa sa 38 assists at 21 3-pointers na kanilang ginamit upang ibaon ang Denver.

Nagtapos si Malik Beasley na may 22 points para sa Nuggets, habang nalimitahan naman si big man Nikola Jokic sa 17 points at walong assists.

76ERS 149, TIMBERWOLVES 107

Nagbuhos si Joel Embiid ng 31 points at 13 rebounds, at kumana ang Philadelphia ng 83 points sa first half sa pagbasura sa Minnesota sa unang laro ni Jimmy Butler laban sa kanyang dating koponan.

Tumipa si Butler ng 19 points sa kanyang unang pagharap sa Minnesota magmula nang dalhin siya sa 76ers sa isang package deal  kapalit nila forwards Robert Covington at Dario Saric.

HAWKS 142, THUNDER 126

Tumirada si Trae Young ng 24 points at 11 assists upang pangunahan ang Hawks kontra Oklahoma City.

Gumawa si dating Hawks point guard Dennis Schroder ng  21 points sa kanyang pagbabalik sa Atlanta.

Nanguna si Russell Westbrook para sa Thunder na may 31 points at 11 assists. Nagposte si Paul George ng 24 points at nag-ambag si Jerami Grant ng 21.

BUCKS 124, HEAT 86

Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 12 points, 10 rebounds at 10 assists sa kanyang ikaapat na triple-double sa season upang pangunahan ang Milwaukee laban sa Miami.

Tumipa si Eric Bledsoe ng 17 points at nag­dagdag si Malcolm Brogdon ng  16 para sa Milwaukee,  na nagwagi ng 13 sa 16 magmula pa noong Dis.  14.  Umangat ang Bucks sa 31-12, ang second-best sa NBA.

Nakalikom sina Justise Winslow at Hassan Whiteside ng tig-19 points para sa Miami, na bumagsak sa 21-21.

Sa iba pang laro ay tinambakan ng Pacers ang Suns, 131-97, at pinaamo ng Lakers ang Bulls, 107-100.

Comments are closed.