NAGPAALALA ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga residente na seryosohin at simulan sa sariling tahanan ang pag-segregate ng mga basura o paghihiwalay ng mga nabubulok sa hindi nabubulok upang maging maayos din ang sistema ng koleksiyon nito ng mga truck na humahakot ng mga ito.
Ayon sa abiso ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang social media Facebook page, sinambit nito na ang City Ordinance No. 7876 ay isang ordinansa na naglalayon na maisulong ang pagkokompost at pagreresiklo ng mga basura sa pamamaraan ng paglalaan ng mga sisidlan sa mga residente at sa mga pribado at pampublikong pamahalaan sa lungsod ng Maynila.
Batay sa nasabing ordinansa, ang sinumang lalabag ay mahaharap sa kaukulang parusa.
Sa unang paglabag ay pagmumultahin ng hindi tataas sa P1,000; sa pangalawang paglabag ay pagmumultahin ng hindi tataas sa P2,000; at sa pangatlong paglabag ay pagmumultahin ng hindi tataas sa P5,000 at pagsuspinde ng business permit na hindi tatagal ng isang taon.
Hiniling naman ng alkalde sa mga barangay officials na dapat ay sa kanila magmula ang pagtuturo at pakikipag-ugnayan sa mga residente ng kanilang nasasakupan sa tamang pagsasaayos ng kani-kanilang mga basura.
Gayundin, nanawagan ang Department of Public Services (DPS) sa pamumuno ni Director Kenneth Amurao sa mga residente ng Maynila na hintayin ang oras ng pagdating ng truck bago ilabas ang mga basura upang hindi ito kumalat sa kalsada. PAUL ROLDAN
Comments are closed.