WATANABE BALIK SA AKSIYON

PH Judoka

MATAPOS ang mahabang pahinga dahil sa injury na tinamo sa training at pakikipaglaban sa labas ng bansa, balik si Tokyo Olympian Kiyomi Watanabe sa judo mat at lalahok sa Asian Open Judo Championship sa April 28 sa Kuwait.

Sasabak ang 26-anyos na Filipino-Japanese na ipinanganak sa Cebu sa gabay ni long- time Japanese coach Yazaki Yuta.
Ito ang unang international competition ni Watanabe at determinado ang Pinay na muling bigyan ng karangalan ang bansa.

Hindi naipagtanggol ni Watanabe ang kanyang korona sa 63 kilograms sa Southeast Asian Games sa Vietnam na kanyang dinomina mula 2013 sa Myanmar dahil sa kanyang injury.

Lalahok din ang Asian Games silver medalist sa dalawang torneo sa Europe at sa Tokyo Grandslam sa December 3-4. Lumahok ang Pinay sa katatapos na Antalya Grandslam at Tibilisi Grandslam at World Judo sa Budapest, Hungary.

Sinabi ni dating Philippine Judo Federation president at secretary-general Dave Carter na fully recovered na si Watanabe at handang-handa nang lumaban.

“Her injury was completely healed and ready to return to action,”sabi ni Carter na isa ring international judo judge at miyembro ng Philippine Olympic Committee Executive Board.

Lalahok din si Watanabe sa Olympic qualifying at determinadong makapasa at muling makalaro sa Olympics na gagawin sa Paris, France.

Ang paglahok ni Watanabe ay suportado ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee bilang priority athlete.

CLYDE MARIANO