WATANABE BIYAHENG QATAR

Kiyomi Watanabe

TUTUNGO si Olympic hopeful Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe sa Qatar upang sumabak sa World Judo qualifying na lalarga sa ­Enero 28.

Matapos ang torneo sa Qatar ay pupunta si Watanabe sa France upang lumahok naman sa World Grandslam Judo sa Pebrero.

Si Watanabe ay ranked no. 27 at top 40 ang kukunin sa kanyang division.

“Watanabe is within the Magic 40. Kailangang mapanatili niya ang kanyang ranking para makalaro sa Olympic Games,” sabi ni Philippine Amateur Judo Association (PAJA) secretary general Leo Panganiban sa isang panayam.

Hindi sumali si Watanabe sa qualifying sa 2016 Olympics sa Brazil dahil bata pa siya noon at kulang sa karanasan at foreign exposures.

“She’s ripe, matured and experienced. She’s ready to match prowess against opponents in her division,” wika ni judo president Dave Carter.

Ang huling Pinoy judoka na sumabak sa Olympics ay si John Baylon noong 1988 sa Seoul.

Si Watanabe ay ipinanganak sa Tokyo sa Japanese na ama na si Shegeki at Pinay na ina na si Irene Sarausap na taga-Mandaue.

Dinomina ni Watanabe ang 63kg. weight category sa Southeast Asian Games mula 2013 sa Myanmar matapos na manalo ng pilak sa 2011 edition sa Indonesia.

Bukod kay Watanabe, lalahok din sa qualifying ang tatlong Filipino-Japanese na sina Mariya Takahashi at magkapatid na Shugen at Keisei Nakano.

Ayon kay Carter, lima ang continental quota na itinakda ng Asian Judo Federation.

“Labas si Watanabe sa continental quota. Mataas ang level ni Watanabe at ang makakalaban ay magagaling sa kanyang division,” ani Carter, na isa ring accredited international judo judge.CLYDE MARIANO

Comments are closed.