WATANABE MULING SASABAK SA OLYMPIC QUALIFYING

Kiyomi Watanabe

MATAPOS mabigo sa una niyang qualifying competition sa Azerbaijan, magbabalik si Tokyo Olympic veteran at Asian Games silver medalist Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe sa judo mat sa kanyang pagsabak sa Antalya Grand Slam sa March 29-31 sa Turkey.

Sa gabay ni Japanese coach Yazaki Yuta, makikipagbalyahan ang Tokyo-based 27-year-old half- Pinay na ipinanganak sa Cebu, sa mga kalaban sa minus 63 kilograms na kanyang dinomina ng apat na beses sa Southeast Asian Games sa Myanmar, Singapore, Malaysia at Philippines.

Ang torneo ang pangalawang qualifying na lalahukan ni Watanabe na  determinadong makakuha ng ticket sa Paris Olympics.

May 254 judokas mula sa 60 bansa ang sasabak sa tatlong araw na judo competition na inorganisa ng International Judo Federation at gaganapin sa unang pagkakataon sa tourist city sa Turkey.

Determinado si Watanabe na magtagumpay at maiwasang lumaban ulit sa qualifying sa 2024 Asian Championship Individual na gagawin sa April 20 sa Hong Kong.

Kasama ni Watanabe na lumahok sa 2024 World Judo sa Baku, Azerbaijan ang kapwa Filipino-Japanese at SEA Games 73kg gold medalist na si Keisei Nakano.

Nanalo rin si Watanabe ng ginto sa Asian Youth Judo sa Uzbekistan, tanso sa Asian Judo sa Hainan, China, sa All-Japan at Inter-University Judo Championship.

Ang pagsali nina Watanabe at Nakano ay ginastusan ng Philippine Sports Commission at suportado ng Philippine Olympic Committee.

CLYDE MARIANO