MAGBABALIK sa bansa ang Volleyball Nations League (VNL) sa pagdaraos ng Week 3 Pasay City leg ng men’s division mula Hulyo 4-9 sa the SM Mall of Asia Arena.
Ang pagbabalik ng VNL ay pormal na inanunsiyo nitong Lunes sa isang press conference sa Diamond Hotel kung saan sinamahan nina Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra na kumakatawan sa Malacanang, Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann at Pasay City Mayor Imelda Calixto Rubiano si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara sa paglulunsad ng event na unang hinost ng PNVF sa Quezon City sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Hiniling ng Volleyball World —organizer ng International Volleyball Federation (FIVB) series na nagtatampok sa top volleybal nations sa buong mundo — sa PNVF na muling maging host ng VNL kasunod ng tagumpay noong nakaraang taon.
“We have been contracted by the FIVB and the Volleyball World to host the VNL for the next three years. And this is our second year, hoping that it leads us to another successful hosting,” wika ni Suzara.
Walo sa world’s top 25 men’s teams ang magpapakitang-gilas sa Philippine soil.
Ang mga ito ay ang world No. 1 Poland at No. 3 Brazil, kapwa dating Olympics gold medalist, gayundin ang No. 6 Italy, No. 8 Japan, No. 9 Slovenia, No. 12 The Netherlands, No. 15 Canada at No. 25 China.
Makakaharap ng world No. 2 Brazil ang No. 4 Italy sa alas-3 ng hapon sa July 4 opening na susundan ng No. 25 China at No. 7 Japan game sa alas-7 ng gabi. Ang susunod na araw ay tatampukan ng 3 p.m. match sa pagitan ng No. 17 Canada at No. 12 Netherlands habang ang No. 1 Poland at No. 9 Slovenia ay magsasalpukan sa alas-7 ng gabi.
Pinasalamatan ni Bachmann ang PNVF sa pag-host ng isa pang world-level competition na, aniya, ay magbibigay ng inspirasyon sa mas maraming Pilipino para ipagpatuloy ang sport bilang isang atleta, coach o organizer.
Samantala, iginiit ni Rubiano ang buong suporta ng Pasay City sa VNL.
“Do know that in every dig, every set and every spike, Pasay City will always be cheering and rooting for you—with the rest of the world watching with us,” aniya.
Ang Philippine men’s squad sa pangunguna ni returnee Marck Espejo ay makakaharap ang The Netherlands sa isang tune-up match sa Hulyo sa Rizal Memorial Sports Coliseum. Kinokonsidera rin ang isang tune-up game kontra China.