NANINDIGAN si Senador Christopher ‘Bong’ Go na dapat ibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa sa tamang panahon.
Ipinaliwanag ni Go na batid niyang hirap pa ang karamihan dahil sa COVID-19 pandemic kaya dapat unahin ang kapakanan lalo ng mga maliliit na manggagawa.
Tugon ito ni Go kaugnay sa pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pinag-aaralan nila kung papayagang ipagpaliban o hindi ang pagbibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa dahil marami ring negosyo ang pinipilit na makaagapay sa krisis.
Sinabi pa ni Go na dapat tulungan ng gobyerno ang mga malilit na negosyo na makaahon upang mas maalagaan nila ang kanilang mga empleyado at hindi maapektuhan o mahinto ang mga benepisyo na itinatakda ng batas.
Muling namang ipinaalala ni Go na habang patuloy na nilalabanan ng bansa ang pandemya, mas nararapat ngayon ang pagtutulungan at pagmamalasakit para sa isa’t isa.
Giit pa ni Go, dapat palaging isaalang-alang ang kapakanan ng mga ordinaryong Filipinong nagsasakripisyo araw-araw para sa kanilang pamilya.
Tiniyak ni Go na makikiusap siya kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa DOLE para matiyak na matanggap ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay sa itinatakdang panahon ng batas. VICKY CERVALES
Comments are closed.