LAGUNA – NAPATAY sa mga engkuwentro ang dalawang lalaki na kapwa napapabilang sa high value individual (HVI) sa buy bust operation at paghahain ng warrant of arrest ang pinagsanib na Provincial Intelligence Branch (PIB) SWAT Team at Laguna Police Mobile Force Company (LPMFC) sa Lungsod ng Calamba at bayan ng Mabitac, kahapon ng madaling araw.
Base sa ulat ni Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta kay Calabarzon PNP Director PBGen. Vicente Danao Jr., nakilala ang napatay na mga suspek na sina Jayvie Bayani y Oruga, 28, may asawa, alyas “Diglo” ng Brgy. Kay-Anlog, Lungsod ng Calamba, at isang William Garcia, may asawa, ng Brgy. Paagahan, bayan ng Mabitac.
Batay sa pulisya, lumilitaw na si Bayani ay kabilang sa miyembro ng Fajardo Drug Group, at nakalista bilang Priority Top 20 HVI sa Calabarzon na may nakabinbin pa umanong mga kaso ng paglabag sa RA 10591, kidnapping and robbery sa RTC Calamba City habang ang suspek na si Garcia ay nahaharap naman sa paglabag sa kasong RA 9165 at RA 10591.
Bandang alas-3:20 ng madaling araw nang ikasa ang buy bust operation ng mga tauhan ni Matta sa pamumuno ni PIB Chief PMaj. Ryan Jay Orapa sa bahagi ng Filinvest Road, Batino-Calamba-Tagaytay Road, Brgy. Barandal, Lungsod ng Calamba laban sa suspek na si Bayani kaugnay ng paglabag nito sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) nang hindi inaasahang mauwi umano ito sa mahabang habulan at engkuwentro.
Nakatakas ang suspek habang lulan ng kanyang kotse patungo sa nabanggit na lugar matapos makatunog na pulis ang kanyang katransaksiyon na nauwi sa pagpapalitan ng putok makaraang maglatag ang mga ito ng checkpoint na agad nitong ikinasawi.
Narekober ng pulisya sa suspek na si Bayani ang 3 plastic sachet na naglalaman ng shabu na umaabot sa 150 gramo na may kabuuang halaga na P1,030,000, buy bust money na P5,000, kabilang ang tatlong unit ng kalibre 9mm Taurus pistol na pawang pag-aari ng BJMP at isa pang kalibre 9mm na pistola na walang kaukulang dokumento, magazine at mga bala.
Samantala, kabilang sa nasawi ang suspek na si Garcia sa bayan ng Mabitac matapos magkasa ang mga ito ng operasyon bitbit ang warrant of arrest kaugnay ng kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 nang hindi inaasahang mauwi umano ito sa engkuwentro makaraang manlaban sa pulisya. DICK GARAY
Comments are closed.