HANOI – Nagbigay sina World gymnastics champion Carlos Yulo at kurash bet Jack Escarpe ng gold medals nitong Biyernes para sa Pilipinas sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 31st Vietnam Southeast Asian Games dito.
Nalusutan ang pagkadulas sa pommel horse na nagbigay ng penalty, ang 22-year-old Tokyo Olympian ay nakalikom ng 85.150 points sa anim na apparatuses at nakopo ang individual all-around title, makaraang gapiin sina hometown bets Le Thanh Tung (84.050) at Dinh Phuong Thanh (82.450), na nagkasya sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Ipinagkaloob ni Yulo ang ikatlong gold ng mga Pinoy dito matapos ang panalo nina Mary Francine Padios sa pencak silat noong Miyerkoles at ang tagumpay ni Escarpe sa 73kg class ng kurash Biyernes ng umaga.
Pinangunahan din ni Yulo ang artistic gymnastics team na kinabilangan nina Juancho Miguel Besana, John Matthew Vergara, Jann Gwynn Timbang at Justine Ace de Leon sa silver medal sa team event.
Bukod sa tatlong gold medals, ang Pilipinas ay nagwagi rin ng pitong silver at siyam na bronze medals upang pumanlima sa standings, sa likod ng Thailand (3-5-11). Bumabandandera ang Vietnam na may 20 gold, 11 silver at 15 bronze medals, kasunod ang Malaysia (11-5-8) at Indonesia (5-8-1). Nakakolekta naman ang Singapore at Myanmar ng tig-2 gold medals.
Hanggang press time ay nilalaro pa ang kickboxing, kung saan nakasisiguro na ang mga Pinoy ng silver medals.
“All I’m thinking is how to perform well and I think we did well,” sabi ni Yulo, na umabante sa finals ng vault, kung saan siya ang reigning world champion; high bar, parallel bar, pommel horse, rings, at floor exercise sa Linggo at Lunes.
“It’s not a bad first day at all,” ani Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion, na inaasahan ang apat na gold medals kay Yulo.
“Yeah, we are expecting more, so much more actually,” dagdag ni Carrion.