DEAD on the spot ang apat katao at dalawa sa mga biktima ay nagdiriwang ng kaarawan, matapos na sumalpok ang kanilang sinasakyan sa kasalubong na trak sa Maharlika Highway sa Brgy. Panikihan, Gumaca, Quezon.
Ayon kay PSMSgt. Rex Marvin Balago, nag-overtake sa sinusundang van ang kotse sa kurbadang bahagi ng highway patungo sa direksiyon ng Bicol.
Subalit pagsapit sa paliko na portion ng kalsada ay sumungaw ang rumaragasang truck kaya hindi na naiwasan ni Joseph Dumlao, 33-anyos, na driver ng kotse ang kasalubong na trak kaya nagkaroon ng head on collision.
Sinubukan pang itakbo sa Gumaca District Hospital si Dumlao subalit patay na rin ito ng dumating.
Kinilala ang tatlong mga nasawi na pawang lulan ng kotse na sina Rozalie Soldevilla, 35-anyos, na nagdiwang ng kanyang kapanganakan nitong Huwebes; Raquel Soldevilla, 42; at Rodolfo Soldevilla, 70 na pawang magkakamag-anak.
Samantala, kritikal at kasalukuyang inoobserbahan naman sa pagamutan ang isa sa sakay ng kotse na kinilalang si Roxanne Soldevilla, 25-anyos, na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo nito.
Depensa naman ni William Pelareja, 34-anyos, driver ng truck, nasa tamang lane siya at ang kotse ang kumain ng kanyang linya, kata huli na para maiwasan pa niya ang paparating na kotse.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang employer ni Pelareja sa kaanak ng mga biktima bagaman naniniwala itong ang driver ng kotse ang nagkamali. VERLIN RUIZ
Comments are closed.