SULU – APAT na kasapi ng ISIS inspired Abu Sayyaf terrorist at isang bayaning sundalo ang nasawi sa naganap na engkuwentro sa bayan ng Patikul, lalawigan ng Sulu ayon kay AFP Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Cirilito Sobejana kahapon.
Sa isinumiteng ulat ni Maj. Gen. Corleto Vinluan, commander ng Joint Task Force Sulu, isang intelligence driven operation ang inilunsad matapos ang natanggap na report hinggil sa kinaroronan ng may 40 ekstremista sa pamumuno ni ASG sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan sa Sitio Tambang, Barangay Kabbon Takas, Patikul.
Bandang ala-1 una kamakalawa ng hapon nang matunton ang lugar agad na sinagupa ng mga sundalo ang mga bandidong Abu Sayyaf, na tumagal ng halos kalahating oras nagresulta sa kamatayan ng apat na bandido at pagkasugat ng apat pa nilang kasamahan.
Isang sundalo rin ang kumpirmadong nasawi sa nasabing sagupaan habang may siyam na battle casualties ang inilikas sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital para malapatan ng lunas.
Nabawi ng mga sundalo ang isang M-16 Armalite rifle at mga personal na gamit ng mga bandido.
Sa clearing operation, nihayag ng mga tauhan ng 32nd Infantry Battalion at 12th Reconnaissance Company na nakasagupa ng mga bandido na mas marami pa ang nalagas sa kalaban base sa mga pirapirasong lamang at dami ng dugo sa encounter site.
Sinabi pa ni Vinluan na kasalukuyan nilang hinahanap at beneberipika ang ulat na isa sa mga napaslang ay bayaw ni Abu Sayyaf leader Radulan Sahiron .
Inihayag naman ng Task Force Sulu commander na hindi nila nakita o nakumpirma kung nasa malapit na area ang mga Indonesian fishermen na bihag ng mga bandido sa pamumuno ni Hatib Hajan Sawadjaan, ang self-proclaimed emir ng terror group Islamic State.
Puspusan ang pagkilos ng mga sundalo para ma-rescue ang tatlong Indonesian na dinukot sa karagatang sakop ng Sabah, Malaysia noong buwan ng Setyembre. VERLIN RUIZ