5 TIPS SA PAG-BUDGET PARA SA NEGOSYO SA 2020

homer nievera

MAY mga bagay na palaging kakambal ang pagtaas ng mga bilihin. Kasama rito ang pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina at ang pabago-bago ng palitan ng dolyar kontra piso. At dahil sa mga bagay na ito, apektado ang pagnenegosyo ni Juan dela Cruz.

Kaya naman sa u­nang buwang salya ng  ating pitak, tatalakayin natin ang iba’t ibang pa­raan sa pag-budget para sa negosyo mo.

Tara na!

#1 Focus muna  sa pondong  pang-emegency

Sa mga panahon ngayon na unang quarter ng taon, maraming negosyo ang apektado ng mababang benta dahil kakaraan  lang ng Pasko.

Kasi kakagastos lang nang malaki ng karamihan sa mga Pinoy noong Pasko kaya tipid na sa gastos ngayong Enero. Kaya kung may mga gastusin ka sa negosyo na nakakabit sa karaniwang benta mo, dapat may sapat kang nakatabing pondo ngayon.

Ang emergency funds ay karaniwang halaga ng isang buwang gastos mo sa operasyon. Mas mainam kung may anim na buwang halaga ka na nakatabi para mas handa ka kapag may emergency.

#2 Insurance

Ang ibang budget sa operasyon ay naipagpapaliban mo pero ang bayad sa insurance sa negosyo ay ‘di puwedeng ipagpabukas. Kakambal ang insurance ng emergency budget. Ito kasi ang katuwang mo sa panahong biglaan ang mga pangyayari o sakuna tulad ng sunog, baha o sakuna sa mismong lugar ng negosyo mo.

Isang madalas na pinaghahandaan ng  malls at retail outlets ay ‘yung sunog. Kaya naman may fire insurance sila. At kung may sunog ngang mangyari, may insurance din ukol sa water damage. ‘Di naman kalakihan ang gastos dito. Ang importante ay handa ka sa lahat at ‘di mabibigla kung sakali mang may mangyari.

#3 Pag-ukulan ng maagang panahon ang financing

Mahalaga ang financing sa negosyo sa mara­ming kadahilanan. Lalo na ang tinatawag na bridge financing na ginagamit sa panahon na kailangan mo ng dagdag puhunan o pantawid sa gastusin at ‘di ka pa nakakakolekta.

Bakit kailangang agahan ang paghahanda para rito? Siyempre, dapat nakaprograma na ang budget mo para alam kung paano ka lalago at ‘di mabitin sa operasyon.

#4 Bawasan ang fixed costs

Madalas kong payo sa mga negosyante na dapat laging binabantayan ang gastos. Lalo na kung mababa ang benta, ang gastos ang babawasan o babantayan. Ang fixed costs ay tulad ng kor­yente, komunikasyon, transportasyon at iba pang gamit sa operasyon.

Halimbawa, kung laging naka-Grab ang mga mensahero mo, baka mas makamura kung mag-commute na muna sa panahong salat sa budget. Puwede mo ring bawasan ang budget sa training kung laging mamahalin ang pagkain o venue. Kung saan makatitipid, bawasan ang gastos dapat.

#5 Kumuha ng eks­perto na tutulong sa iyo

Kami ng ka-partner ko ay kumuha ng CPA o accountant para ayusin ang lahat ng may kinalaman sa accounting. Nang maglaon, ginamit namin siya sa pag-audit ng negosyo. Hanggang nagkaroon na siya ng kompanya  at binili namin ang isang parte ng negosyo niya na ukol sa business services at hindi lang sa accounting.

Ngayon, ang parteng ito ng negosyo ay lumalago na rin na hiwalay sa naunang negosyo kung saan namin siya kinuha.

Ang mahalaga sa bagay na ito ay ang pagkuha namin ng eksperto na may kinalaman sa kape­rahan. ‘Di kasi namin ito kabisado. Sa kalaunan, ang isang eksperto sa kaperahan ang magiging kakampi mo sa paglago. Malaking bawas din ito sa oras na gugugulin sana sa pangangapa sa mga bagay na ‘di mo kabisado sana gaya ng pag-budget.

Konklusyon

Tandaan na malaking parte ng pagnenegosyo ang pag-budget. Kung ‘di mo ito maaayos, magugulat ka na lang sa mga gastos. Ang cash flow mo ay nakadepende sa pagsasaayos ng kaperahan. Huwag mong ipagpaliban ang bagay na ito. Ngayon na agad sana pagtuunan ng pansin.

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur at makakaugnayan siya sa email niya na [email protected].

Comments are closed.