GUMAGAWA ng mga hakbang ang organizers ng Little League Philippines Series upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng kalahok sa finals na nakatakda sa April 9-16 sa Ilagan, Isabela.
May kabuuang 63 koponan na kinuha sa regional tournaments sa Luzon, Visayas at Mindanao ang sasabak sa finals na may nakatayang slots sa Asia-Pacific Games ngayong taon.
Sinabi ni Little League administrator Mike Zialcita na batid nila ang nakaambang panganib sa matinding summer heat sa daan-daang kalahok na may edad 12-14.
“We just had a meeting last night. We agreed to implement the rule that there will be no matches from 11 a.m. to 3 p.m. because it’s the hottest time of the day,” pahayag ni Zialcita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nitong weekend, isang batang student-athlete mula sa Colegio San Agustin ang hinimatay habang naglalaro ng football at namatay dahil sa umano’y heat stroke.
“Kapag sobra ang init, wala tayong games. And tinatambakan naman sila ng tubig. At kapag nakita namin na ayaw maglaro ng bata or wala sa kondisyon, kami na mismo ang nagsasabi,” wika ni Zialcita.
Sa Ilagan, ang 63 finalists na kinuha sa 158 teams na lumahok sa regionals noong nakaraang Pebrero ang magbabakbakan para sa slots sa Asia-Pacific Games na tinatampukan ng apat na divisions sa baseball af tatlo sa softball.
Ang South Korea ang magiging host sa 12-under at 13-under divisions sa baseball sa Hunyo habang pinaplantsa pa ng Pilipinas ang hosting sa 14-under baseball sa Clark at sa lahat ng divisions sa softball sa Ilagan sa Hunyo.
Sinabi ni Zialcita na nasorpresa sila sa heavy turnout sa regionals na idinaos din sa Ilagan kung saan namayani ang mga koponan mula sa Tanauan, Muntinlupa, Ilocos, Negros Occidental, Bago City, Davao, Kidapawan, Sarangani at North Cotabato.
CLYDE MARIANO