7 Aspeto ng Pagyaman

Heto Yumayaman

BATAY sa aking kaalaman at pag-aaral, may pitong aspeto ng buhay na dapat ay maging mayaman ang isang tao para masabing talaga siyang mayaman.

Sa nakaraan kong artikulo, tinalakay ko ang apat na aspeto – Espirituwal, Diwa-damdamin (Psycho-emotional), Pag-iisip o katalinuhan (Intellectual), at Pakikipagkapwa-tao (Social).

Sa kasalukuyang artikulo, gusto kong talakayin ang tatlo pang bahagi ng kabuuan ng tao.  Ang panlimang aspeto ay ang paghahanapbuhay (sa wikang Ingles ay tinatawag ko itong “Professional Area”).

Naniniwala akong nilikha ng Diyos ang tao para maging produktibo.  Kaawa-awa ang isang taong walang ginagawa.  “Ang taong walang ginagawa, nakakaisip ng masama.”  Tayong mga tao ay nilikha sa larawan ng Diyos.  At ang Diyos ay napakasipag at napakamalikhain. Tingnan ninyo ang sansinukob na nilikha ng Diyos: napakamalikhain!

Ang daming samu’t saring mga bagay.  Nang lumikha ang Diyos ng mga prutas para maging pagkain ng tao, ilang uri ng prutas ang nilikha niya, isa lang ba?  Hindi!  Napakaraming uri!  Nang lumikha siya ng mga bulaklak para pagandahin ang kapaligiran, ilang uri ng bulaklak ang ginawa niya, isa lang ba?  Hindi!  Napakarami na naman.  Pare-pareho ba ang samyo ng mga bulaklak?  Hindi!  Iba-iba ang bango nila.

Nang lumikha ang Diyos ng isda, ilang uri ng isda, isa lang ba?  Hindi, napakarami.  Pare-pareho ba ang lasa ng mga isda?  Iba-iba!  Ganyan kamalikhain ang Diyos.

Nang si Jesu-Cristo ay nasa lupa pa, ubod siya ng sipag.  Ang sabi ng Bibliya, kung minsan, dahil sa kanyang paglilingkod sa mga taong nangangailangan ay hindi na makakain sa tamang oras at kung minsan ay kulang na ang panahon niyang matulog.  Napakasipag ng Panginoong Jesus.  Dapat ay maging ganyan din tayo.

Lahat ng tagasunod ni Jesus ay dapat maging masipag.  Bawal ang tamad.  Dapat may hanapbuhay ang lahat.  Hindi maganda ang palaasa sa iba.  Pag palaasa ka, para kang salot sa lipunan; para kang linta na sumisipsip sa dugo at lakas ng iba.  Ang tanong ng ilan sa akin, “Paano kung walang mahanap na trabaho?”  Ang sagot ko, “Kung walang trabaho, e ‘di  magnegosyo.”  Kung walang trabaho, magtanim at mag-alaga ng hayupan sa iyong bakuran o sa iyong sakahan.  Kung magtatanim ka ng gulay at mag-aalaga ng livestock, malaking kabawasan iyan sa gastusin ng iyong pamilya.

Ang pang-anim na bahagi ng buhay ay kaperahan o materyal na aspeto (tinatawag ko itong “Financial-Material Area”).  Pinagpala ka kung mayroon kang trabaho at samakatuwid ay tumatanggap ka ng suweldo.  Pero balewala lahat ang iyong pagpapagal kung hindi ka naman nag-iipon at ginagasta mo ang lahat ng iyong kita.

Kung sumusuweldo ka at pagkatapos ay gagastahin mo ang lahat, parang pinayayaman mo ang ibang tao at hindi ang iyong sarili.  Para bagang dumampi lang ang pera sa palad mo at pagkatapos ay ibinigay mo na sa binibilhan mo ng pagkain, damit, transportasyon, renta sa apartment, buwis sa gobyerno, bayad sa tubig at kuryente, bayad sa cellphone, telepono, internet, atbp.  Pagkatapos mong bayaran ang lahat ng ito, wala nang natira sa perang kinita mo.  Anong klaseng buhay iyan?  Para kang alipin ng maraming tao.  Lahat sila ay binubuhay mo at pinayayaman mo at ikaw ay nananatiling mahirap dahil wala kang naitatabi para sa kinabukasan mo at ng iyong pamilya.  Hindi tama ang ginagasta ang lahat ng kita.  Isa iyang kahangalan!

Pagkasuweldong-pagkasuweldo mo, dapat ay magtatabi ka ng hindi kukulangin sa sampung porsiyento (10%) ng iyong kita.  Iipunin mo ito.  Sa susunod na buwan, pagdating ng bago mong suweldo, magtabi uli ng 10%.  Paglipas ng panahon, palaki nang palaki ang iyong naiipon.  Pag malaki na, ipupuhunan mo ito sa mga ligtas at matatalinong puhunan gaya ng lupa, negosyo, o mas mataas na pinag-aralan.  Patuloy pa rin ang pag-iipon mo.  Gawin mong layunin ang magkaroon ng sariling bahay na puwedeng ipamana sa iyong mga anak balang araw.  Kung kaya mo, bumili ka rin ng sakahan at doon ay puwede kang magtanim ng mga gulay, punong-kahoy, at mag-alaga ng livestock.  Paramihin mo ang mga ito.  Hindi ka na kailangang gumasta ng malaki para sa pagkain mo; at ang sobra ay puwede mong inegosyo.  Ibenta mo ng may tubo.  Ang tubo ay dagdag sa mga ipon mo at pambili ng iba pang ari-arian.

Ang pampitong aspeto ng pagkatao ay ang pangangatawan o kalusugan (tinatawag ko itong “Physical or Health Area”). May kasabihan, “If you lose your wealth, you lose nothing; if you lose your health, you lose a lot; of you lose your character, you lose everything.” (Kung mawawala ang iyong kayamanan, wala masyadong nawala sa iyo; kung mawawala ang iyong kalusugan, malaki ang nawala sa iyo; kung mawawala ang iyong kabutihang-asal, nawala na ang lahat sa iyo.
Siyempre, napakaimportante ng kalusugan. Pag magiging masakitin ka, mawawala na rin ang kakayahan mong magtrabaho at apektado ang kapangyarihan mong kumita. Wala ka nang maiipon, wala ka nang maiipuhunan, at mamemeligro ang iyong kinabukasan.
Para matiyak ang ating kalusugan, kailangan natin ng tamang pagkain, tamang ehersisyo at sapat na pahinga.
Ang tanging kalaban na lamang natin ay ang katandaan. Hindi natin ito maiiwasan. Talagang may taning ang buhay ng lahat ng tao. Nakaprograma sa kalikasan natin ang pagtanda at dahan-dahang panghihina, pagkakasakit at pagkamatay ng mga cells ng ating katawan. Subalit hanggat makakaya, dapat ay panatilihing malusog ang ating katawan.
Kaya ito ang pitong aspeto ng buhay na siya ring pitong aspeto ng pagyaman: una, Espirituwal; pangalawa, Diwa-damdamin; pangatlo, Pag-iisip o katalinuhan; pang-apat, Pakikipagkapwatao; panlima, Paghahanapbuhay; pang-anim, Pananalapi; at pampito, Kalusugan.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.) ~