AGRI, INFRA DAMAGE NI ‘ODETTE’ P29-B NA

UMAKYAT na sa mahigit P29 billion ang kabuuang pinsala sa agrikultura at imprastruktura ng bagyong Odette na nanalanta sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao noong nakaraang Disyembre, ayon sa  National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa kanilang latest situation report, sinabi ng NDRRMC na ang pinsala sa agrikultura ng bagyo ay nagkakahalaga na ngayon ng P11.4 billion sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at  Caraga.

Handa naman na ang Department of Agriculture (DA) sa P500 million na halaga ng pautang nito sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Assistance Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) para sa mga magsasaka at mangingisda na sinalanta ng bagyong Odette.

Sa ilalim ng programa, makakautang ng P25,000 ang bawat magsasaka at mangingisda sa mga lugar na nasa ilalim ng ‘state of calamity’  para makapagsimulang muli.

Sinabi ng DA na bukod sa walang interes at walang collateral ang loan ay magaan ang payment period nito dahil babayaran ang utang sa loob ng tatlong taon.

Bukod sa pautang, ang ahensiya ay magkakaloob din ng P2.9 billion na halaga ng ayuda sa mga magsasaka, kabilang ang P1 billion na halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar; P828 million mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bayad pinsala sa mga apektadong magsasaka; at P314 million halaga ng rice seeds, P129 million halaga ng corn seeds, at P57 million halaga ng assorted vegetables.

Magkakaloob naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng P47 million na halaga ng tulong sa mga apektadong mangingisda.

Pumalo naman na sa P17.7 billion ang halaga ng infrastructure damage sa Mimaropa, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Samantala, ang mga bahay na winasak ni “Odette” ay umabot na sa 1,360,447 at iniulat ito sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM.

Sa nasabing bilang, 991,971 ang itinuturing na partially damaged habang 368,476 ang totally damaged.

Ang mga apektadong pamilya ay nasa 2,224,803 na katumbas ng 7,715,172 katao na naninirahan sa 8,779 barangays sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, the Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM.

Sa kasalukuyan, nasa 60,101 pamilya ang nananatili sa 1,181 evacuation centers habang 32,891 ang tinutulungan sa labas.