ALMADRO VOLLEYBALL PROGRAM DIRECTOR NG UP

DETERMINADO ang University of the Philippines na buhayin ang volleyball program nito na nagkumahog sa mga nakalipas na UAAP seasons.

Lumipat sa kabilang parte ng Katipunan, si Oliver Almadro ay kinuha upang pamahalaan kapwa ang men’s at women’s teams ng Fighting Maroons.

Ito ang unang malaking hakbang ni Bo Perasol bilang UP Office for Athletics and Sports Development director, at umaasa si Almadro, na dating hinawakan ang Ateneo men’s at pagkatapos ay ang women’s volleyball squads, na maibalik ang dating glorya ng eskuwelahan.

Ang women’s at men’s squads ng UP ay huling nakapasok sa Final Four noong 2016.

“I’m honored to be given this opportunity. I’m aware that it’ll be hard, but it’s actually easy to trust in the process because of all those who believe in me,” sabi ni Almadro.

Sisimulan ni Almadro ang kanyang trabaho sa pagpili sa papalit kina Shaq Delos Santos (women) at Rald Ricafort (men) para sa Season 86.

Ang UP ay galing sa 1-13 seasons sa women’s at men’s divisions.

Sa kanyang bagong posisyon ay buo ang tiwala kay Almadro ni Perasol, na pormal na itinalaga sa kanyang puwesto noong nakaraang August 16.

“We believe that coach O will bring the UP volleyball program to greater heights,” sabi ni Perasol.

Iginiya ni Almadro ang Blue Eagles sa men’s three-peat noong 2015-17 bago ginabayan ang women’s squad sa 2019 championship. Nagtala siya ng kabuuang 29-21 record sa women at 60-10 sa men.

Pangungunahan ni Niña Ytang, ang Season 85 2nd Best Middle Blocker na nasa national team na sumasabak sa 22nd Asian Senior Women’s Volleyball Championship sa Thailand, ang women’s team ng Fighting Maroons.

Pamumunuan naman ni Louis Gamban ang men’s side.

Si Almadro ay mananatiling head ng volleyball operations para sa Premier Volleyball League club PetroGazz.

Itinalaga rin siyang head coach ng kanyang alma mater, ang Letran, sa NCAA.