SI MANG Danny ay isang dating sundalo na nadestino sa Mindanao. Dalawampung taon siyang nanilbihan. Sa isang bakbakan laban sa NPA, nabaril siya sa kaliwang tuhod. Dinala siya sa V. Luna Hospital at inoperahan. Para siya muling makalakad, nilagyan ng doctor ng bakal ang kanyang tuhod. Dito na nahinto ang kanyang pagsusundalo.
Apat ang anak niya. Dahil sa kahirapan ng buhay, nagpasiya si Mang Danny na dalhin mula Cebu ang buong pamilya niya patungong Maynila. Nakitira sila sa bahay ng kanyang hipag na may munting sari-sari store. Bilang kapalit ng kanilang tirahan at pagkain, sila ang tumatao sa sari-sari store. Samantala, nanilbihan bilang katulong ang panganay niyang anak para makadagdag sa kita ng kanyang malaking pamilya.
Kulang na kulang ang perang tinatanggap nila mula sa tindahan ng hipag. Madalas isakripisyo ni Mang Danny ang sarili niyang ulam para lang mabusog ang bunso niyang anak na lalaki. Chicharon na lang ang inuulam niya. Sa barong-barong lang sila nakatira sa tabi ng bangketa. Madalas ay kulang sila sa tulog dahil sa ingay at sa pangamba dahil ang lugar nila ay maingay at madalas may rumble na nagaganap mula sa naglalabang fraternities. Pinahinto muna niya sa pag-aaral ang kanyang mga anak sapagkat ang kita nila ay sapat na sapat lamang para sa pagkain.
Ilang araw na palakad-lakad si Mang Danny sa Cubao para humanap ng trabaho, subalit lagi siyang nabibigo. Humingi siya ng tulong sa Panginoon. Para mapatid ang gutom niya, bumili siya ng isaw (bituka ng manok). Nakita niyang ang dami ng mga taong nakapila para bumili. Bigla niyang naisip na marahil ay puwede rin siyang pumasok sa ganoong negosyo. Tamang-tama naman, nagbigay ako ng libreng seminar kung paanong magpasimula ng negosyo. Umattend si Mang Danny. Natuto siyang gumawa ng plano ng negosyo at kung paanong mag-ipon.
Nag-ipon si Mang Danny mula sa suweldo ng anak niyang katulong at mula sa perang tinatanggap niya sa tindahan. Nakabuo siya ng P50. Sapat na iyon para makapagsimula ng barbecue stall. Maagang gumigising si Mang Danny at malalim na ang gabi kung matulog. Kung minsan, may nakakaharap siyang mga masasamang customer na nagsasabing nakabayad na raw sila, pero hindi pa talaga. Kapag masama ang panahon, bumabagsak ang benta niya. At sa lakas ng hangin, kung minsan ay nasisira ang kanyang tindahan. Dahil sa inggit ng kalaban niyang tindahan dahil dinudumog siya ng maraming customer, nagkakalat ang kalaban ng mga kasinungalingang salita laban sa kanyang produkto. Ipinapasa-Diyos na lamang ni Mang Danny ang ganitong mga masasamang tao. Umiiwas siya sagulo.
Bago siya mag-display ng produkto niya, nananalangin muna siya. Lagi namang masarap ang lasa at malambot ang kanyang barbecue. Gusto ng mga tao na kumain sa kanyang tindahan at pabalik-balik sila. Naisipan niyang magdagdag ng siomai at gulamang inumin. Lalong dumami ang customer at lumaki ang tindahan niya.
Ang inspirasyon ni Mang Danny sa pagnenegosyo ay ang Biblia. Nang mabasa niya ang sabi ng 2 Tesalonica 3:10, “Ang ayaw magtrabaho ay dapat huwag kumain,” ginawa niyang motto ng negosyo niya, “Bawal ang Tamad.” Nagkaroon siya ng mga empleyado at ang motto na ito ang pinasusunod niya. Ang isa pang gabay niya ay ang Colosas 3:17 na nagsasabing anuman ang iyong gawin, gawin mo para sa kaluwalhatian ng Dios. Kaya, kahit ano ang gawin niya sa negosyo, kahit magpaypay man lang ng barbecue, ay ginagawa niya nang buong husay. Dahil dito, tuwang-tuwa ang kanyang mga customer dahil husto sa luto at malambot ang kanyang barbecue. Isa pang talatang gumagabay sa kanya ay ang katuruang “Ang naghahasik nang kaunti ay mag-aani nang kaunti; ang naghahasik nang marami ay mag-aani nang marami.” Naging paniwala ni Mang Danny na kaya siya pinagpapala ng Dios ay upang pagpalain niya ang ibang tao. Dahil dito,naging mapagbigay siya ng tulong sa simbahan at sa ibang taong nangangailangan. Sabi niya, ito ang dahilan kung bakit patuloy ang pagpapala ng Dios sa kanyang negosyo.
Dahil sa negosyo niya, nakapagtapos sa kolehiyo ang lahat niyang mga anak at may magagandang trabaho na. Ang panganay niya ay isa nang manager sa isang IT company. Ang pangalawa niya ay isang Customer Relations Officer sa IBM. Ang pangatlo niya ay asawa ng pastor at siyang magpapatuloy ng kanyang negosyo. Ang pang-apat niyang anak ay isang superbisor sa isang call center. Nakapagpatayo na siya ng bahay at ang lote niya ay mabibili niya mula sa Home Mortgage.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.