(Ayon sa incoming NEDA chief) PH AGRI NASA KRISIS NA

NASA krisis na ang sektor ng agrikultura, ayon kay incoming Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Arsenio Balisacan

“Food crisis have risen already. As you know, the avian flu, this problem has been with us that has led to crippling price increases of meat. Rice prices have also been a problem,” sabi ni Balisacan sa The Source ng CNN Philippines.

Idinagdag ni Balisacan na bagaman bahagyang napababa ng rice tariffication ang price cap sa staple ay nananatili pa rin itong mataas. Nahaharap din ang mga magsasaka sa iba’t ibang isyu tulad ng low profitability ng rice farming at farming sa pangkalahatan.

“With that, I would say that our agriculture is in crisis,” aniya.

Sinabi ni Balisacan na ang problema ay pinalala na ng global supply disruptions na posibleng magpatuloy sa mga darating na buwan.

Nagbabala siya na kalaunan ay lilimitahan na ng exporting countries ang kanilang exports para protektahan ang kanilang mga sariling mamamayan.

Binigyang-diin ni Balisacan ang pangangailangang protektahan ang vulnerable sectors na hinahagupit na ng tumataas na presyo ng basic commodities.

“In the meantime, we really have to sit down, tighten our belts and protect those who must be protected,” aniya. “I’m referring to the poor and the vulnerable. While we have resources, limited as they are, we should provide assistance to these groups so they wouldn’t feel disproportionately the burden of the shocks.”

Ayon sa incoming NEDA chief, para maprotektahan ang mahihirap, kailangang maging mas ‘targeted’ ang subsidiya, at pabilisin ang pag-iisyu ng National ID para sa mas mabilis na pagkakaloob ng ayuda.

Noong Lunes ay inihayag ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na pamumunuan niya ang Department of Agriculture (DA) upang siguraduhin na matutugunan ang kakulangan ng pagkain sa bansa.

Ang hakbang ay ginawa ni Marcos upang mapigilan ang possibleng epekto ng pagkakaroon ng food crisis dahil sa mga nangyayari sa labas ng bansa na pinalala ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at ng Ukraine.

“As to agriculture, I think the problem is severe enough that I decided to take on the portfolio of Secretary of Agriculture, at least for now, and at least until we can re-organize the Department of Agriculture in a way that can make it ready for the next years to come,” sabi ni Marcos.

Sinabi pa niya na dahil sa mga nangyayari ay naaapektuhan ang food supply, gayundin ang iba pang pangangailangang pang-agrikultura tulad ng fertilizers, animal feeds at iba pa, na maaaring magresulta sa shortage at pagtaas ng presyo ng pagkain sa susunod na mga panahon.