AYUDA SA MAHIHIRAP BILISAN

PINABIBILISAN ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa publiko sa harap ng biglaang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Pernia, ang pagsipa ng presyo ng krudo sa world market ay nakababahala lalo na’t biglaan ito.

“Unconditional cash transfers, they just have to be more speedily disbursed to the 10 million poorest households and also the Pantawid Pasada,” ani Pernia.

Sa ilalim ng unconditional cash transfer program, ang gob­yerno ay nagkakaloob ng P200 kada buwan o P2,400 kada taon sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Itataas ito sa P300 kada buwan o P3,600 kada taon sa 2019 at 2020.

Target ng gobyerno ang kabuuang 10 mil­yong benepisyaryo, subalit sinabi ng Department of Finance (DOF) noong Pebrero na nasa 7.4 milyong pamilya lamang ang tatanggap ng ayuda sa first quarter.

“There’s so many households in remote areas, in remote areas that are difficult to reach and they do not have ATMs (automated teller machines),” ani Pernia.

Bukod dito, magkakaloob din ang pamahalaan ng jeepney drivers cash cards na may lamang P2,200 kada buwan sa ilalim ng Pantawid Pasada ­Program upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng excise taxes sa mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Act  na ni­lagdaan ni Pangulong Rodrigo ­Duterte noong ­Disyembre, ang presyo ng  liquefied petroleum gas (LPG) ay tumaas ng P1 per liter, diesel ng P2.50 per liter, at gasolina ng P2.65 per liter bunga ng pagtaas ng  excise taxes.

Comments are closed.