(Bago nagpakamatay) AMANG MAY NERVOUS BREAKDOWN SINAKSAK ANG KA LIVE-IN, 4 ANAK

NEGROS OCCIDENTAL- NAGPAKAMATAY ang isang lalaking may nervous breakdown matapos na pagsasaksakin ang live-in partner nito at apat na anak na pawang menor de edad sa loob ng bahay sa Barangay Tapi, Kabankalan City sa lalawigang ito.

Ayon sa pahayag ni Capt Joelan Vinson, deputy chief ng Kabankalan City Police Station na pansamantala nilang itinago ang pangalan ng mga biktima, ang 36-anyos na suspek, ang 36-anyos na live-in partner at mga anak na 3-anyos na lalaki at tatlong batang babae na may edad na isang taon, anim na buwan at siyam na taon.

Sinabi ni Vinson na bigla umanong inatake ng suspek ang kanyang pamilya gamit ang bolo habang naghahanda ng hapunan ang kanyang live-in partner dakong alas-6:30 ng gabi.

Sinabi ni Vinson na nasaksihan ng 13-anyos na anak ng suspek ang insidente, na nag-udyok sa kanya na hampasin ang kanyang ama sa ulo ng pamatok na tinatawag na “singkaw” upang patahimikin siya.

Nakalabas ng kanilang bahay ang mga sugatang biktima at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Sinabi ni Vinson na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili ang suspek nang rumesponde ang mga opisyal ng barangay.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima at idineklarang patay na ang suspek.

Ang live-in partner ng suspek at tatlong anak ay nagtamo ng mga sugat sa batok, ulo at balikat na naka-confine sa ospital. Nagtamo ng mga gasgas ang sanggol at hindi na- inadmit sa ospital.

Sinabi ni Vinson na ito ang unang pagkakataon na naging marahas ang suspek at hindi ito regular na kumakain at natutulog nitong mga nakaraang linggo. EVELYN GARCIA