PAGPASOK ng Bagong Taon ay inihayag na ng Malacañang ang opisyal na pagtatalaga ng bagong hepe ng Armed Forces of the Philippines.
Hinirang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Eastern Command chief Lt. Gen. Felimon Santos Jr. para pamunuan ang AFP kapalit ni Gen. Noel Clement, miyembro ng Philippine Military Academy Class 1985 na nakatakdang bumaba sa puwesto ngayong Sabado, Enero 4.
Si Santos na miyembro ng Philippine Military Academy “Sinagtala” Class of 1986 ay namuno rin sa Philippine Army 7th Infantry Division bago naging pinuno ng Eastmincom.
Samantala, wala pa ring opisyal na itinatalaga ang Pangulo na papalit sa puwesto ni retired Gen. Oscar Albayalde na nagretiro sa serbisyo kaya’t patuloy na pinamumunuan ni Lt. Gen. Archie Gamboa ang PNP bilang officer-in-charge.
Una nang inanunsiyo ng Pangulo na si DILG Secretary Año muna ang mamamahala sa PNP habang wala pa itong napipiling bagong PNP chief.
Bago pumasok ang taon ay lumutang ang balitang pinag-aaralan ng Malacañang ang service record ni PNP Administration chief P/Lt. Gen Guillermo Eleazar.
Si Gen. Eleazar ay kabilang sa mga matunog na pangalan na pinagpipilian para humalili sa nabakanteng puwesto ni Gen Albayalde. VERLIN RUIZ
Comments are closed.