NAKATAKDANG busisiin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nadiskubreng tone-toneladang basura na umano’y galing sa South Korea (SoKor) na nakatambak ngayon sa Mindanao.
Sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na kukumpirmahin pa ng ahensiya kung nanggaling nga sa SoKor ang naturang mga basura.
Susuriin din ang mga basura kung mayroong kasamang mga hazardous material na posibleng makasama sa kalusugan.
Batay sa inisyal na impormasyon, tinukoy na plastic synthetic flakes ng cosignee Verde Soko Philippines Industrial Corporation ang shipment na dumating sa Mindanao Container Terminal noong Hulyo.