IGINIIT ni Senador Sonny Angara ang mahigpit na pagpapatupad sa mga batas na nangangalaga sa karapatan at kapangyarihan ng kababaihan.
Ito ang panawagan ni Angara sa pakikilahok ng Filipinas sa pagtatapos ng 16-araw na Activism Against Gender-Based Violence Campaign nitong Disyembre 10.
Layunin ng naturang kampanya na tuldukan ang tumataas na bilang ng karahasan sa kababaihan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang kampanya ay nagsimula nitong Nobyembre 25.
Sa Filipinas, ang bawat Pinay ay protektado ng Magna Carta of Women o ang Republic Act 9710 na napagtibay noong 2010.
“Sa ilalilm ng Magna Carta of Women ang ating kababaihan ay protektado mula sa lahat ng uri ng kaharahasan maging ito man ay kagagawan ng estado,” ani Angara.
Base sa RA9710, lahat ng sangay ng pamahalaan ay inaatasang magtatag ng kani-kanilang Violent Against Women’s Desk sa bawat barangay upang matiyak na lahat ng karahasan laban sa kababaihan ay mareresolba at matutugunan.
Nakalahad pa rin sa batas na ang mga bata at babaeng biktima ng karahasan ay kailangang sumailalim sa mga serbisyong kalusugan tulad ng psychosocial, therapeutic, medical at legal interventions. Dapat ding siguruhing masusuportahan ang mga ito tungo sa tuluyang paggaling mula sa kondisyong sikolohikal dulot ng inabot na trauma.
Sakop din ng batas ang mga Pinay na nagtatrabaho sa ibayong dagat, lalo pa’t karamihan sa mga ito ay nakararanas din ng dahas na nagiging dahilan ng kanilang matinding karamdaman at minsan ay kamatayan.
Sa pahayag ng United Nations, isa ang karahasan sa kababaihan at mga kabataan sa mga pinakamat-inding human rights violations sa buong mundo. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga insidenteng ito dahil karamihan ay hindi naiuulat sa mga kinauukulan at hindi nareresolba. VICKY CERVALES
Comments are closed.