BAWAL MUNA ANG ‘EPAL’ SA PRO SPORTS

Abraham Mitra

PASINTABI sa mga politikong nakikisakay sa popularidad ng mga professional league sa panahon ng halalan.

Mahigpit na ipinagbabawal ng Games and Amusements Board (GAB) ang pagsakay, paglahok, pag-organisa at pagmamay-ari ng mga politiko sa mga liga at koponan sa lahat ng professional leagues at mga larong sanctioned ng ahensiya.

Sa memorandum na inilabas ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na may petsang Pebrero 16, pinaalalahanan ng ahensiya ang lahat ng promoters, organizers, team owners, managers at mga atleta na pawang nasa pangangasiwa ng ahensiya na lalabag sa Commission on Election (Comelec) rules ang pagkakasangkot ng mga politiko sa kanilang mga gawain sa panahon ng halalan na epektibo mula Pebrero 8 hanggang Mayo 9.

“The GAB enjoins all the GAB-sanctioned professional sports leagues, including the league organizers, promoters, managers, teams, professional athletes, and other officials, to strictly comply with the following election-related laws and directives,” pahayag ni Mitra sa naturang memorandum.

Ang nasabing memorandum ay pagtugon ni Mitra sa naging kasagutan ng Comelec sa kanilang inihaing paglilinaw hingil sa naturang isyu.

“Pursuant to Commission on Election (Comelec) Resolution No. 10695 promulgated on February 10, 2021,  which resolved to prohibit giving donations or gifts in cash or in-kind during the campaign period, and in light of the COMELEC’s response to the Games and Amusements Board (GAB) letter dated January 14, 2022, inquiring whether a sponsorship from a candidate and/or party-list groups to a professional team or league is considered a donation, contributions, or gift in cash or in-kind under the Section 104 of the Omnibus Election Code,” ayon sa memo.

Narito ang kabuan ng nilalaman ng Section 104 ng Omnibus Election Code:

Section 104: Prohibited donations by candidates, treasurers of parties, or their agents. – No candidate, his or her spouse or any relative within the second civil degree of consanguinity or affinity, or his campaign manager, agent, or representative shall during the campaign period, on the day before and on the day, directly or indirectly, make any donations, contributions or gift in cash or in-kind.

“Malinaw po ang regulasyon sa batas ng Comelec. Kung magpapatuloy sila at babalewalain ang ating memo, lalabag sila at mananagot sila sa pamahalaan,” pahayag ng dating Palawan governor at congressman.

Direktang apektado ng naturang Comelec ruling ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na pagmamay-ari ni Senador Manny Pacquio na tumatakbo sa panguluhan sa ilalim ng Promdi Party. Nakatakdang magbukas ng bagong season ang liga na binubuo ng 12 koponan na pawang sinusuportahan ng iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa Marso 23.

Nasa balag din ng alanganin ang FilBasket at Philippine Super League (PSL) na kapwa nagpahayag ng kanilang intensiyon na magbalik-aksiyon sa susunod na buwan. Kapwa nakabimbin sa GAB ang aplikasyon ng dalawang liga na magpa-sanction sa GAB, gayundin ang Philippine Chess Association of the Philippines (PCAP) na nakasandal din sa ayuda ng mga LGU.

Ang FilBasket na inorganisa ng dating PBA player na si Jae Reyes ay hindi na makababalik sa aksyon kung walang basbas ng GAB, batay sa naging desisyon ng Office of the President hingil sa ‘cease and desist’ order na inilabas ng ahensiya sa inaugural season ng liga sa Subic noong nakaraang Disyembre.

Naghahanda naman ang PSL, inorganisa ni Rocky Chan at suportado ng mga politiko sa Mindanao sa pangunguna ng DAMPER Part-list, para sa inaugural season sa Marso 20. EDWIN ROLLON