(Bilin ni Duterte sa Filipino community sa Russia) “DO NOT BREAK THE LAWS”

Russia

MOSCOW, Russia- “DO not break the laws”.

Ito ang payong ibi­nigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng Filipino community  bago ito tumulak pabalik ng Filipinas, araw ng Sabado (oras sa Russia).

Ayon sa Pangulo, maganda ang relasyon ng Filipinas at Russia at maganda rin ang res­petong ipinapakita ng nasabing bansa  kaya’t makabu-buting iwasang gumawa ng anumang bagay na makakasama sa tingin ng mga Ruso sa mga Filipino.

“Obey the laws. Follow the procedure. Tutal we are working on a sort of an agreement na ma­bigyan kayo ng maluwag na kalagayan. you’d be allowed to stay,” giit pa ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaang Filipinas ang lahat upang maging lehitimo ang paninirahan   ng mga overstaying Filipino sa nasabing lugar.

Ibinalita rin nito na sa ginanap na bilateral meeting niya kay Russian President Vladimir Putin ay kanyang nabanggit ang kalagayan ng mga Filipino sa kanilang bansa.

“Yung expired passport ninyo, ipa-renew lang dito, wala nang problema,” sabi pa ng Pangulo.

“I am ordering the Consular Office or the Embassy. Hindi na kayo kelangan umuwi ng Pilipinas (sic), dito na i-renew ang passport ninyo,” dagdag pa ng Pangulo.

Nauunawaan aniya ng pamahalaang Russia ang sitwasyon ng mga Filipino kung bakit nagnanais ng mas magandang kapalaran sa kanilang lugar tulad ng Russia.

“Russia has a very good government, efficient sila, alam nila ‘yung nagtatago-tago. Pero sabi nila, hindi naman kami manghuhuli. We know the problem, your plight, alam namin gaano kahirap sa Pilipinas (sic),” sabi pa ng Pangulo.

Pinaalalahan ng Pa­ngulo ang mga Filipino na tandaang mabuti na ang kanilang pamamalagi sa  Russia ay  may basbas ni President Putin.

“We are working on a working visa or something to legitimize your stay,” giit pa ng Pangulo.

Base sa datos, halos 10,000 Filipino ang kasalukuyang naninirahan sa Russia subalit mayorya rito ay pawang  mga undocumented.

Ang pagdalo sa pagtitipong ito ang pinakahuling aktibidad ng Pangulong Duterte sa kanyang limang araw na official visit  sa Russia bago umuwi pabalik ng Filipinas.

Umalis ang Pangulo sa Vnukovo Military Base Airport ng  11:21  Sabado ng gabi sa Russia (4:21 ng madaling araw, oras sa Filipinas) EVELYN QUIROZ

Comments are closed.