MAGSASALPUKAN ang World No. 2 Brazil at ang No. 4 Italy sa pagsisimula ng Week 3 ng Volleyball Nations League (VNL) ngayong Martes kung saan si First Lady Liza Araneta Marcos ang magsasagawa ng ceremonial serve sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda sa alas-3 ng hapon ang showdown ng Olympic finalists kung saan tangan ng Brazilians ang 3-0 record kontra Italians. Nagharap sila sa gold medal matches sa Sydney 2000, Athens 2004 at Rio de Janeiro 2016.
“Everyone is excited with the VNL men’s competition and we’re expecting more fans to march to the MOA Arena to witness thrilling world-class and high flying international men’s volleyball action,” pahayag ni Philippine National Volleyball Federation president Ramon “Tats” Suzara.
Kukumpletuhin ng crowd favorite Japan, ranked No. 7 sa mundo, at ng No. 25 China ang opening-day double header sa alas-7 ng gabi.
Ito ang ikalawang sunod na taon na iho-host ng PNVF ang VNL, ang pinakaprestihiyosong kumpetisyon na inorganisa ng International Volleyball Federation (FIVB) at ng Volleyball World.
Inaasahan din ang pagdalo nina Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann at Pasay City Mayor Imelda Calixto Rubiano sa opening ceremony ng VNL Paasy City leg.
Walo sa top 25 teams sa mundo ang sasabak sa Week 3 ng men’s VNL.
Ang iba pang bansa ay ang world No. 1 Poland, No. 9 Slovenia, No. 12 The Netherlands at No. 15 Canada.
Magtutuos ang Canada at ang The Netherlands sa alas-3 ng hapon, habang magkakasubukan ang Poland at Slovenia sa alas-7 ng gabi sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Miyerkoles.
Ayon kay Suzara, ang Philippine leg ay nagsisilbing final at critical stage ng preliminary round ng VNL na magdedetermina sa top eight squads na aabante sa final stage mula July 19 hanggang 24 sa Poland.
Ang fans ay maaaring bumili ng tickets sa Ticketnet.