CHICKEN MEAT NG 2 PH POULTRY FARMS (Puwede nang i-export sa Korea)

PINAYAGAN na ng South Korean government ang dalawang poultry farms mula sa Pilipinas na mag-export ng chicken meat sa naturang bansa.

Sa isang liham kay Agriculture Secretary William Dar na may petsang November 24, 2021, sinabi ni Philippine Agriculture Office in Seoul attaché Maria Alilia Maghirang sa kalihim na in-accredit ng Korean government ang Carino and Sons Agri-Development Inc. (CASADI) na naka-base sa Batangas at ang LDP Farms Corp. sa La Union para sa exports ng chicken meat sa Korea.

“CASADI and LDP Farms may commence their exports of chicken meat products to Korea, effective 23 November 2021,” sabi ni Maghirang.

Aniya, ang chicken meat products na tinutukoy ay ang lahat ng chilled o frozen meat, bone, fat, skin, at tendon na nagmula sa manok.

Ang clearance sa dalawang Philippine poultry farms para mag-export ng chicken meat sa Korea ay ipinagkaloob ilang buwan makaraang alisin ng East Asian country noong Agosto ang suspensiyon sa pagpasok ng poultry at pet birds mula sa Pilipinas.

Magugunitang sinuspinde ng Korea noong nakaraang taon ang pagpasok ng poultry at pet birds mula sa Pilipinas kasunod ng  H5 avian influenza (HPAI) outbreak sa bansa.

Noong Enero ay sinabi ng DA na idineklara ng World Organization for Animal Health (OIE) na avian influenza-free na ang bansa matapos maresolba ang outbreaks sa Pampanga at Rizal.