IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatatag ng coordinating committee sa pagitan ng gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ang hakbang ay ginawa ng Pangulo makaraang makipagpulong kay MNLF founding chairperson Nur Misuari noong nakaraang Biyernes.
Inatasan ng Pangulo ang Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na maitatag ang komite sa lalong madaling panahon at magsimula ng trabaho at mailatag ang agenda para sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao partikular sa panig ng grupo ni Misuari.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nais ng Pangulo na masimulan ng komite ang kanilang trabaho sa ikalawang linggo ng Setyembre.
Sa panig naman ni Misuari, nais niyang maging kaisa ang Organization of Islamic Cooperation (OIC) sa mga konsultasyon kaparehas sa dating tripartite talks sa pagitan ng GPH, MNLF at OIC upang matukoy kung naipapatupad ng pamahalaan ang 1996 Final Peace Agreement sa MNLF.
“The GPH-MNLF coordinating committee will serve as a venue to seek for the cooperation of the MNLF to achieve immediate peace in Sulu, helping in combatting the Abu Sayyaf Group and convincing the MNLF relatives to return to the folds of the law,” sabi ni Panelo.
Naniniwala si Panelo na upang maresolba ang Muslim rebellion sa Mindanao ay marapat lamang na masubukan ang lahat ng magagawa upang matamo ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
“We can do no less as a people and President Duterte will walk the extra mile to bring harmony to the country and the nation,” dagdag pa ni Panelo. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.