BULACAN – DALAWANG drug peddlers kabilang ang isang nasa unified watchlist ng PNP at PDEA ang napatay ng Drug Enforcement Unit (DEU)ng San Jose del Monte (SJDM) City police makaraang manlaban nang makatunog na undercover agent ang kanilang katransaksiyon sa Barangay Gaya-Gaya, SJDM City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Col. Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), ang mga suspek na sina Jayvee Ancho Dineros, kabilang sa PNP/PDEA watchlist, at isang alyas Jun,kapwa residente sa nasabing lungsod na kapwa nasawi sa lugar ng engkuwentro bunga ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Bandang alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang maganap ang engkuwentro makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation ng DEU ng SJDM City police sa ilalim ng supervision ni P/Lt.Col.Orlando Castil Jr, SJDM City police chief, ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa kahabaan ng Pakolis St., Barangay Gaya-Gaya.
Nabatid kay P/Col. Libunao na nakatunog ang dalawang suspek na DEU operatives ang katransaksiyon kaya kapwa ito bumunot ng baril at pinaputukan ang awtoridad kaya napilitang gumanti ng putok ang pulisya at mapatay sa maikling engkuwentro ang dalawang nanlaban na suspek na mas piniling kumasa kaysa mahuli ng buhay.
Nakarekober ang pulisya at Bulacan SOCO team ng 21 pakete ng shabu, isang caliber 38 revolver na kargado pa ng dalawang bala, isang improvised shotgun na may kargang isang bala at motorsiklo habang lumilitaw na ipinasailalim sa week long surveillance ang dalawang suspek bago ito kumagat sa entrapment operation ng pulisya ngunit mas piniling manlaban kaysa mahuli ng buhay. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.