NAGKASUNDO kanina sina Pangulong Rodrigo Duterte at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao City Archbishop Romulo Valles na magkaroon ng ‘moratorium’ sa mga pahayag ng chief executive laban sa Simbahang Katolika.
Sa 30 minutong meeting na ginanap sa loob ng Malakanyang dakong alas-4:00 ng hapon ay tila nagkaroon ng pagkakasundo sina Pangulong Duterte at Archbishop Valles subalit walang iba pang detalye na ibinigay sa mga mamamahayag kaugnay nito.
Ayon kay Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong “ Go matapos ang meeting nina Pangulong Duterte at Valles ay pumasok siya sa kuwarto at doon kinunan ng larawan ang dalawa.
Magugunita na patuloy ang palitan ng maaanghang na salita sa pagitan nina Pangulong Duterte at Simbahan makaraang tawaging “stupid God” ni Pangulong Duterte ang sinasambang Diyos ng mga ito.
Sa kanyang mga talumpati sa iba’t ibang okasyon ay walang humpay ang pagbibigay ng pahayag ng Pangulo laban sa Simbahan. EVELYN QUIROZ
CBCP IDINIIN NA KAKAMPI NG GOBYERNO
PINAALALAHANAN ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalatayang Katoliko na ang paghihiganti ay hindi kailanman pamamaraan ni Hesus.
Ang paalala ay ginawa ng CBCP, kasunod na rin ng mga batikos na ibinabato ni Pangulong Duterte sa mga lider ng Simbahan, maging sa Panginoon mismo.
Sa pagtatapos ng regular na 117th plenary assembly nitong Lunes ay nagpalabas ang CBCP ng isang pastoral exhortation na may titulong ‘Rejoice and be Glad’ na pirmado ng pangulo nito na si Davao Archbishop Romulo Valles.
Sa nasabing kalatas, pinaalalahanan ng CBCP ang mga mananampalataya na nagpuyos ang mga damdamin, sa mga nakaiinsultong pahayag ng pangulo hinggil sa mga turo ni Hesus sa kanyang mga disipulo.
“We wish to remind those who have been angered by the insulting statements of people in authority; remember what the Lord had taught his disciples.” He said, “But to you who hear I say… bless those who curse you, pray for those who mistreat you. To the person who strikes you on one cheek, offer the other one as well… (Lk 6:27-29). Vengeance is never the way of Christ. It is not the way of Jesus to return evil for evil; no, we can conquer evil only with good (Rom 12:21). Up to the last moment of his breath, he had nothing but words of mercy towards his tormentors, Father, forgive them for they do not know what they do” (Lk 23:34),” bahagi ng kalatas.
Kasabay nito, mariin din namang pinabulaanan ng CBCP ang akusasyong sangkot sila sa planong pagpapabagsak sa pamahalaang Duterte.
“Nothing can be farthest from the truth. Our concern is never the establishment of any earthly kingdoms. Worldly kingdoms come and go. We work only for God’s kingdom which is beyond this world — so that we can start learning to live life “on earth as it is in heaven” (Mt 6:10),” aniya pa.
Iginiit rin ng CBCP na nirerespeto ng simbahan ang political authority, partikular na ang mga halal na opisyal ng pamahalaan, lalo na at kung hindi naman anila kinokontra ng mga ito ang pinapahalagahan nilang ‘basic spiritual at moral principles,’ tulad ng kasagraduhan ng buhay, integridad ng mga nilikha, at dignidad ng tao.
Binigyang-diin pa nila na sila ay hindi mga political leader at hindi rin kalaban o political opponents ng pamahalaan at sa halip ay kakampi, at kaagapay ng pamahalaan lalo na kung ang pag-uusapan ay ang common good at kapakanan ng mga mamamayan.
Nanawagan ang CBCP na kasabay ng kapistahan ng Blessed Mother of Mt. Carmel sa Hulyo 16, 2018 ay sama-samang manalangin at mangumpisal ang mga mananampalataya, upang humingi ng habag at hustisya para sa mga taong lumapastangan sa banal na ngalan ng Panginoon, gayundin sa mga taong nakapatay at naniniwalang ang pagpatay ang tanging paraan upang labanan ang kriminalidad sa bansa.
Ang naturang day of prayer and penance ay susundan umano ng mga Obispo ng tatlong araw na fasting, prayer ang almsgiving mula Hulyo 17 hanggang 19, at inaanyayahan din nila ang mga mananampalataya na makiisa sa kanila sa naturang banal na gawain.
Ang tatlong araw na plenary assembly ay sinimulang isagawa ng mga Obispo noong Hulyo 7, 2018 sa Pope Pius XII Catholic Center sa Paco, Manila at dinaluhan ng mga aktibo at retiradong miyembro ng CBCP. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.