TUMANGGI si Pangulong Rodrigo Duterte na sumunod sa payo ng kanyang mga doktor na magpahinga muna.
Ito ang sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, sa isang panayam kahapon at sa katunayan ay may dadaluhang pagtitipon ng mga magsasaka sa North Cotabato ang Pangulong Duterte.
“Actually, the truth is, the President does not want to take a rest even if he was advised by the doctor to rest…he couldn’t stay longer in the house and he really wants to work and go around,” pahayag ni Go sa mga mamamahayag sa Malacañang.
Nakatakda sanang magpahinga ng tatlong araw sa kanyang bahay sa Davao City ang Pangulo, subalit pagkaraa’y binawi ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa halip na magpahinga ay sa hometown na lamang niya gagawin ang kanyang mga trabaho na dapat sa Maynila pa niya gagawin.
Magugunita na noong nakaraang buwan ay inirereklamo ng 74-taong gulang na Pangulo ang sakit sa kanyang balakang na dulot ng kanyang naging aksidente sa pagmomotorsiklo.
Inamin din ng Pangulo na mayroon siyang mga sakit at sumailalim kamakailan lamang sa endoscopy at colonoscopy.
Ayon kay Go mananatili muna ang Pangulo sa Davao na maituturing na kanyang “comfort zone” kung saan maayos na nakatutulog sa kanyang kwarto gamit ang punit-punit na kumot at kulambo.
“He (Duterte) will personally go to North Cotabato to listen to the farmers on Friday,” sabi pa ng senador. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.