NAKATAKDANG bumisita sa ikalawang pagkakataon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia sa unang linggo ng Oktubre.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tinanggap ni Pangulong Duterte ang paanyaya ni Russian President Vladimir Putin na muling bumisita sa Moscow.
“He (Duterte) said he was invited by the Russian President and he accepted it. He’ll just announce what will happen there,”sabi ni Panelo.
Ang muling pagbisita ng Pangulo sa Russia ay lalo pang makapagpapalakas sa relasyon ng dalawang bansa.
Magugunita na unang bumisita si Duterte sa Russia dalawang taon na ang nakararaan subalit agad ding bumalik sa bansa makaraang atakihin ng Maute-ISIS terrorist group ang Marawi City noong Mayo 23, 2017.
Habang nasa Russia ay nagdeklara si Pangulong Duterte na isailalim sa martial Law ang Mindanao.
Ang Marawi siege ay tumagal ng halos limang buwan o hanggang Oktubre 2017 subalit hanggang sa sandaling ito ay nananatiling nasa Martial Law ang Southern Philiipines bunsod ng rebelyon sa lugar.
Inaasahang magtatapos ang Martial law sa Mindanao sa pagtatapos ng taong kasalukuyan subalit posibleng mapalawig ito kung hihilinging muli ng Pangulo sa Kongreso. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.